PUMANAW na ang British singer na si Peter Burns sa edad na 57 dahil sa atake sa puso, ayon sa kanyang pamilya noong Lunes. Sumikat bilang frontman ng 1980s band na Dead or Alive si Peter Burns na nakilala sa kanyang androgynous image. Naging hit ang awitin ng Dead or Alive na You Spin Me Round (Like a Record) noong 1985, at naging bahagi ng British punk, electro, at dance-pop scene.
“He was a true visionary, a beautiful talented soul, and he will be missed by all who loved and appreciated everything he was,” saad ng kanyang manager na si Steve Coy at ng kanyang pamilya sa isang joint statement na ipinost sa Twitter account ng yumaong singer. Hindi tinukoy sa pahayag kung saan namatay si Burns.
Naging hit ang 1985 album na Youthquake ng Dead or Alive, na itinatag sa Liverpool noong 1980. Kabilang sa nakapaloob sa nasabing album ang mga awiting Lover Come Back To Me at Brand New Lover.
Mas nakilala si Burns, na umamin sa pagsailalim sa ilang cosmetic surgery, nang lumahok sa British reality television show na Celebrity Big Brother noong 2006.
Sinundan din ito ng dokumentaryo sa pagsubok ni Burns na maibalik ang kanyang career.
Muling inilabas ang You Spin Me Round noong 2006 kasabay ng paglahok ni Burns sa Big Brother, at kamakailan ay nagkaroon ng cover ang rapper na si Flo Rida at singer na si Kesha noong 2011 na Right Round, na nanguna sa U.S. Billboard Hot 100 chart. (Reuters)