ISA ako sa libu-libong motorista na halos araw-araw dumaraan sa kahabaan ng Epifanio Delos Santos Avenue, na mas kilala sa tawag na EDSA, mula sa aking bahay sa Novaliches patungo sa itinuring kong aking pangalawang tahanan; ang Camp Crame sa Quezon City at sa iba pang kalapit kampo-militar sa nasabing lugar.

Sa maniwala kayo’t sa hindi, kahit araw-araw akong bumibiyahe sa naturingang highway raw na ito na masuwerte ka nang makatakbo ng 5 kilometro kada oras sa tindi ng trapik, ay hilung-talilong pa rin ako parati dahil sa SARA-BUKAS, SARA-BUKAS na mga intersection at U-turn slot sa kabuuang bahagi nito.

Kapag liliko ka na sa U-turn slot ay bigla na lamang bubulaga sa iyo na sarado na ito at kinakailangan mo pang bumiyahe sa mas malayong metro para lang makaliko.

Ganoon din sa mga intersection, gaya sa Roosevelt Avenue sa Quezon City, hindi ko talaga makabisa kung kailan at anong oras ito isinasara at binubuksan para madaanan ng mga motorista.

Night Owl

Demokrasya: Haligi ng Pag-unlad at Pananagutan

May naririnig pa nga akong mga reklamo mula sa ilang motorista na hindi lang ito sa EDSA nangyayari, kundi maging sa iba pang pangunahing kalsada sa Metro Manila ay malimit ding BUKAS-SARA ang ilang intersection at U-turn slot na ikinahihilo ng mga motorista. Dagdag pa nga ito sa sakit sa ulong dala ng usad-pagong na daloy ng trapiko.

Kinakabisa kasi naming mga motorista ang mga U-turn slot at mga piling intersection upang makaiwas sa mga pangunahing kalsada, gaya ng EDSA, na umaapaw sa mga sasakyan lalo na tuwing rush hour. Ngunit nasisira ang diskarte naming mga motorista kapag ang bumubulaga sa amin ay saradong daanan na hinarangan ng mga concrete at plastic barrier.

Sa mga kinauukulang ahensiya ng pamahalaan na may pakana rito, kahit sinuman kayo – kung talagang kailangan ninyong isara dahil sa eksperimentong inyong ginagawa, maglagay naman sana kayo ng mga karatula na magbibigay ng babala sa aming mga motorista para ‘di kami nasu-sorpresa. Hindi sapat yung press release ninyo sa media dahil hindi naman lahat ay nakababasa, nakaririnig... sa radyo at nakapapanood sa telebisyon.

Ngunit siguradong makikita namin ang mga signage na ito kung nakapuwesto nang maayos sa mga lugar na sadyang dinaraanan muna namin bago makarating sa mga U-turn slot at intersection para mas mabilis kaming makarating at makaiwas sa trapiko patungo sa aming pupuntahan.

Mag-text at tumawag sa Globe: 09369953459 o mag-email sa: [email protected] (Dave M. Veridiano, E.E.)