SA usapin ng Scarborough Shoal, na tinatawag nating Panatag Shoal o Bajo de Masinloc, nagkasundong hindi sumang-ayon ang Pilipinas at China.
Iginigiit ng China na ang Scarborough ay makasaysayang bahagi ng China. Saklaw ito ng Nine-Dash Line na iginuhit ng gobyernong Chinese sa mapa noong 1947. Mula sa timog, sakop ng Nine-Dash Line mula sa Hainan ang baybayin ng Vietnam, pasilangan na tumutumbok sa Palawan, diretso sa hilaga sa iba’t ibang isla ng Pilipinas, at papuntang hilaga-silangan na kabilang ang Taiwan.
Sa panig naman ng Pilipinas, binibigyang-diin nito na ang Panatag ay 150 milya lamang ang layo sa baybayin ng Zambales kaya naman malinaw na saklaw ito ng 200-milyang Exclusive Economic Zone ng Pilipinas alinsunod sa United Nations Convention on the Law of the Sea (UNCLOS). Sa desisyon kamakailan ng Permanent Court of Arbitration sa The Hague, iginiit nitong ang Scarborough Shoal ay isang tradisyunal na pangisdaan para sa mga mamamalakaya mula sa iba’t ibang bansa at dapat na manatili ang nasabing tradisyon.
Sa kanyang pagbisita sa China, sinabi ni Pangulong Duterte na kapwa sila naninindigan ni President Xi Jinping sa kani-kanilang karapatan sa soberanya sa shoal at sa karagatang nakapaligid dito. “I told him we won the case and we were told (Scarborough) belongs to us. But he said ‘That belongs to us historically and we will not give it up’.”
Nagkasundo ang dalawang pinuno na maaaring maresolba ang isyu sa pamamagitan ng masusing pag-uusap, ayon kay Pangulong Duterte.
Sa mga susunod na araw, malalaman natin kung tama ang kahihinatnan ng pagiging positibo ng Pangulo. Kung tama siya, dapat na makita nating nakabalik na ang ating mga mangingisda sa Scarborough o Panatag, kung saan sila hinaharang ng mga barko ng China sa nakalipas na apat na taon. Noong 2012, gumamit pa ang mga Chinese ng mga water cannon upang puwersahang itaboy ang mga bangkang pangisda ng mga Pilipino. Ito ang nagbunsod upang ihain ni Pangulong Benino S. Aquino III ang kaso ng Pilipinas laban sa China sa The Hague.
Napanalunan natin ang kaso sa The Hague. Nagpasya itong walang legal na basehan ang Nine-Dash-Line. Nanindigan ito sa malayang paglalayag sa buong South China Sea, na labis namang ikinababahala ng Amerika. Iginiit ng artbitral court na ang isang tradisyunal na pangisdaan, gaya ng Scarborough, ay dapat na manatiling bukas sa lahat ng mangingisda.
Walang alinman sa mga ito ang ikinonsidera ng China, na sa simula pa man ay nagdeklara nang hindi nito kikilalanin ang awtoridad ng The Hague. Patuloy itong naninindigan sa posisyon nito hanggang ngayon. Ngunit sa kasalukuyan, matapos ang kanyang pagbisita sa China, naniniwala si Pangulong Duterte na maaari nang makapangisdang muli ang ating mga mangingisda sa Panatag at kumita ng kanilang ikabubuhay gaya ng dati. Hindi pa rin nareresolba ang pagkuwestiyon sa soberanya, at patuloy na iginigiit ng Pilipinas at China ang pag-angkin sa Scarborough. Ngunit sa ngayon, habang hindi pa nasisimulang uli ang pag-uusap, posibleng itigil na ng China—dahil na rin sa maayos na pagbisita ni Pangulong Duterte kamakailan—ang pagtataboy sa mga bangkang pangisda ng mga Pilipino gamit ang mga water cannon.
Dahil dito, patuloy tayong hindi nagkakasundo sa usaping legal ng pagmamay-ari at soberanya. Subalit maaari tayong magkasundo sa pagpapahintulot sa malayang pangingisda sa lugar. Para sa konsesyong ito na nagawang mabigyang-daan ni Pangulong Duterte, dapat lang na magpasalamat tayo sa ngayon.