ISA sa mga nakapanghihilakbot na tanawin sa makabagong panahon ay ang mga pamilya at bata na naninirahan sa lansangan, sa ilalim ng tulay o sa gitna ng basurahan, at ang tinatawag na tahanan ay pinagtagpi-tagping plywood at karton.

Naranasan ko ang hirap ng kakulangan ng tahanan noong aking kabataan, nang ang 11 miyembro ng aming pamilya ay nagsisiksikan sa isang maliit na bahay sa Tondo, Maynila. Alam ko na marami sa ating mga kababayan ang patuloy na nangangarap magkaroon ng disenteng bahay para sa kanilang pamilya.

Ang kakulangan sa disenteng pabahay ay isang seryosong isyu ng karapatang pantao na hindi maaaring isantabi. Ayon sa United Nations High Commissioner for Human Rights (UNCHR), mahigit isang bilyong tao ang nangangailangan ng bahay, at milyun-milyon ang naninirahan sa mga lugar na mapanganib sa kalusugan at buhay, at yumuyurak sa kanilang karapatang pantao at dangal.

Sa Pilipinas, tinataya ng pamahalaan na may kakulangang 5.5 milyon hanggang 5.8 milyong tahanan, at aabot pa ito sa 5.8 milyon sa taong ito, ayon sa National Urban Development and Housing Framework.

Night Owl

Pagpapanatili ng mga Boses: Paano Pinoprotektahan ng NightOwlGPT ang mga Nanganganib na Wika

Ayon naman kay Dr. Winston Padojinog, ang kailangang bilang ng bahay ay aabot sa kabuuang 12.3 milyon pagsapit ng 2030.

Iniulat naman ng Housing and Urban Development Coordinating Council of the Philippines na may 1.4 na milyong pamilya ang itinuturing na iskuwater, at 40 porsiyento nito ay nasa Metro Manila.

Kung susumahin sa bilang na 4.6 na miyembro bawat pamilya, ang 1.4 na milyong pamilya ay aabot sa 6.44 na milyong Pilipino na ang karapatan sa pabahay ay hindi natutugunan.

Ang paglutas sa malaking problemang ito ay nangangailangan ng pagtutulungan ng pamahalaan at pribadong sektor. Sa pagbuo ng polisiya ukol dito, kailangang tiyakin ng pamahalaan ang polisiya na makabubuti para sa lahat.

Sa aking panig, naniniwala ako na nakatulong ako sa paglutas sa suliranin sa pabahay. Sa loob ng maraming taon, nakapagtayo ako ng 300,000 mataas-na-uring tahanan sa 95 lungsod at munisipalidad sa 36 na lalawigan sa Pilipinas.

Ngunit marami pa ang dapat gawin.

Patuloy na tumutugon ang iba pang kaanib sa industriya ng pabahay. Sa ilalim ng Urban Development and Housing Act of 1992 or RA 7279, inaatasan ang lahat ng property developer na maglaan ng 20 porsiyento ng kanilang proyekto para sa socialized at mass housing.

Ang paglutas sa problema sa pabahay ay makatutulong din sa paglutas sa problema ng kahirapan dahil ang mga pamilyang may disenteng tahanan ay nagkakaroon ng kakayahan na maitaas ang antas ng pamumuhay.

Dahil dito, bumangon ang mga katanungan sa panukala sa dalawang-taong moratorium sa land conversion, o ang pagpapalit ng gamit ng lupang pangsakahan upang magamit sa ibang mga proyekto gaya ng pabahay.

Sa aking pananaw, ito ang nagbunsod kina Vice President Leni Robredo, Budget Secretary Benjamin Diokno, Finance Secretary Carlos Dominguez III, Trade Secretary Ramon Lopez at Socioeconomic Planning Secretary Ernesto Pernia na tutulan ang nasabing panukala.

Ang paglutas sa problema sa pabahay ay nangangailangan ng malawak na solusyon, na isinasaalang-alang ang kapakanan ng mga dukha, na pangunahing biktima ng kawalan ng tahanan.

(Ipadala ang reaksiyon sa: [email protected] o dumalaw sa www.mannyvillar.com.ph) (Manny Villar)