FOLLOW-UP ito sa item namin noong Lunes tungkol sa hindi pagdalo nina Coco Martin at Julia Montes sa 10th Star Magic Ball.
Obviously, hindi na talent ng Star Magic si Julia kaya wala siya, pero kung dumalo sana si Coco, e, posibleng present din ang aktres dahil tiyak na sila ang magka-date.
Nang sumunod na gabi, wala rin si Coco sa PMPC Star Awards for TV kaya hindi niya personal na natanggap ang tropeo para sa napanalunang Best Drama Actor para sa seryeng FPJ’s Ang Probinsyano, ang isa sa program managers ng Dreamscape Entertainment at itinuturing na ‘nanay’ ng aktor sa ABS-CBN na si Ms. Dagang Vilbar ang tumanggap nito.
Nakita namin sina Ms. Dagang at Direk Manny Palo sa lobby ng Novotel Hotel at inalam namin kung bakit wala si Coco sa Star Magic Ball.
“Nagti-taping ng Probinsyano, naghahabol nga sila kaya wala, ‘kita mo ngayon, wala rin siya. Kaya ako ang narito,” sagot ni Ms. Dagang.
Bakit wala rin si Julia at bakit umalis ito sa Star Magic?
“Ay, wala po ako alam, hindi ko masasagot ‘yan,” mabilis na sabi ni Ms. Dagang.
Samantala, nagso-shooting naman daw si Coco ng pelikula nila ni Vice Ganda noong Linggo kaya hindi ito nakadalo sa Star Awards, sabi ng business unit head ng Dreamscape Entertainment na si Mr. Deo Endrinal.
Last Monday naman, habang ongoing ang Q and A sa media announcement ng bagong seryeng Ikaw Lang Ang Iibigin na balik-tambalan nina Gerald Anderson at Kim Chiu namin nakausap si Sir Deo.
“Naghahabol kasi sila ng pelikula ni Vice, ito ‘yung pang-Metro Manila Film Festival, so kailangang matapos na,” kaswal na sabi ng big boss ng Dreamscape.
Siyempre, humirit kami ng kung totoong wala na rin sa Star Magic si Coco.
“Ay, hindi ko alam. Alam ko, nandoon pa rin. Si Biboy (Arboleda) ang tanungin mo siyempre, siya ang manager ni Coco, wala akong alam d’yan.
“Basta ang alam ko, kaya wala si Coco sa Star Magic ball, may taping ng Probinsyano, at kaya wala rin sa Star Awards, may shooting sila ni Vice,” paliwanag ni Sir Deo. (Reggee Bonoan)