KINAILANGAN pang palampasin ang apat na dekada o 40 taon upang mapatunayan ang kahalagahan ng Masagana 99 sa pagsagip sa ating nauunsiyaming agrikultura. Ang naturang maunlad na sistema ng pagsasaka ang naghatid sa Pilipinas upang ito ay maging ‘self-sufficent in rice’ simula noong dekada ‘70 – noong nakaraang administrasyon na nagkataong pinamumunuan ni dating Pangulong Ferdinand Edralin Marcos.
Matatag ang determinasyon ni Pangulong Rodrigo Duterte na buhayin ang Masagana 99 – at ang iba pang pamamaraan ng pagsasaka na ibinunsod noong naturang rehimen – upang maging ganap ang adhikain ng kanyang administrasyon hinggil sa pagkakaroon ng sapat na aning palay. Bubuhayin din niya ang Biyayang Dagat, pati marahil ang Green Revolution, na natitiyak niyang makatutulong nang malaki sa pagpapaangat ng kabuhayan ng mga mamamayan, lalo na ang mga maralita.
Walang alinlangan, batay sa mga obserbasyon, na ang nabanggit na sistema ng pagsasaka ay mag-aakyat ng mga biyaya para sa lipunan at karangalan para sa bansa. Magugunita na sa pamamagitan ng gayong mga pamamaraan, hindi malayo na ang Pilipinas ay minsan pang kilalanin bilang ‘rice-exporting country’ o bansang nagluluwas o nagbebenta ng bigas sa ibang bansa; hindi na ito bibili o aangkat (to import) ng bigas.
Subalit taliwas ang nangyari. Mula noon, nanatili na tayong umaasa sa ibang bansa para sa kailangan nating bigas; halos masaid ang ating pondo sa gayong sistema o sa rice importation. Binalewala at mistulang pinandirihan ng sumunod na mga administrasyon ang nasabing sistema na sana ay humango sa kakapusan natin ng bigas. Dahil dito, kahit na anong pagyayabang at pangangalandakan ng mga nagkukunwaring mga agriculturist, hindi na tayo nakaigpaw sa pagkalumpo ng pagsasaka.
Sa pahapyaw na paglalarawan, ang Masagana 99 ang naging modelo ng mga foreign agriculturist sa pagpapaunlad ng pagsasaka sa kani-kanilang bansa. Mistulang ginaya nila ang nasabing sistema at bunga nito, ang Pilipinas ang...
umaangkat ngayon ng bigas sa Vietnam, Thailand, Malaysia at iba pang Asian countries.
Maliwanag na ito ang pinagbatayan ng Duterte administration upang isulong ang pagbuhay sa Masagana 99; hindi dahil sa ito ay produkto ng Marcos regime kundi dahil sa kanyang hangarin, marahil, na mailayo ang Pilipinas sa pagkaalipin ng ibang bansa sa larangan ng agrikultura. (Celo Lagmay)