Ilulunsad muli ng Triathlon Association of the Philippines (TRAP) ang kampanya na BALIK SUBIT na nakatuon para ibalik ang mga dating triathlete sa elite at age groups na nakapagkarera na noon sa Subic at sariwain ang kanilang karanasan sa susunod na Subic Bay International Triathlon (SuBIT) sa Abril 29-30.

Ito ang inihayag nina incoming TRAP president Ramon Marchan, kasama si national coach Rick Reyes at Sarita Zafra sa ginanap na Philippine Sportswriters Association (PSA) forum sa Shakey’s Malate kung saan inilunsad at ibinahagi nito ang programa ng national sports association (NSA’s) sa susunod na taon.

“Of course, our aim is to defend our two gold medals in men and in women in the 2017 SEA Games, training of the national triathlon team for the 2020 Tokyo Olympics and of searching for the future representatives to the Youth Olympic Games and World Championships,” sabi ni Marchan.

Papalitan ni Marchan simula sa Enero 1, 2017 sa pagkapangulo ng TRAP ang matagal na naging pangulo nito na si Tom Carrasco, naluklok naman bilang secretary-general at auditor.

Carlos Yulo, flinex luxury car sa bakasyon nila ni Chloe

Makakasama nito sa liderato si Boying Rodriguez ng Danao City bilang vice-president at bilang PRO si Red Dumuk.

Ang Board of Trustees ay binubuo naman nina Carrasco, Reyes, Dumuk, Marchan, Rodriguez, Patrick Joson, Stax Savellano at si Zafra

Matatandaan na naipanalo ng TRAP ang kambal na gintong medalya sa ginanap na 2015 Singapore Southeast Asian Games matapos na magwagi si Nikko Huelgas sa men’s division habang iniuwi ni Ma. Claire Adorna ang ginto at pilak naman para kay Kim Mangrobang.

Ipinaliwanag ni Reyes na kasalukuyang nagsasanay ang mga miyembro ng koponan sa Portugal kung saan isinasailalim ito sa high performance training at sumasabak sa mga kompetisyon sa labas ng bansa. (Angie Oredo)