NAGING daan ang kampanya ni Pangulong Rodrigo Duterte laban sa ilegal na droga upang mabuksan ang kamalayan ng maraming tao kung paanong sinisira ng droga ang buhay ng kabataan, matatanda, mahihirap, at maging ng mayayaman.
Mismong ang Pangulo ay umamin na hindi niya inaasahan na ganito katalamak ang ilegal na droga sa lipunan—kabilang na sa gobyerno. Matatandaan na target ng pulisya na mahuli ang 1.8 milyong personalidad na konektado sa ilegal na droga sa loob ng anim na buwan.
Maraming kritisismo ang kasalukuyang kampanya ni Duterte, ngunit kakaunti lang ang nagpaabot ng interes kung paano matutulungan ang administrasyon sa tatlong milyong lulong sa droga na boluntaryong sumuko sa gobyerno.
Kamakailan lamang, nakatanggap ng tulong si Duterte sa pagpapatayo ng mga reheb center, na karagdagan sa proyekto ng Pangulo na magtayo ng mga bagong tahanan para sa mga drug dependent sa loob ng mga kampo ng militar.
Pero paano ang mga gumagamit ng droga na nasa kulungan at naghihintay pa rin ng desisyon ng korte tungkol sa kanilang kaso? Ano ang kanilang magiging buhay sa likod ng rehas?
Ito ang naging daan ng Congressional Spouses Foundation, Inc. (CSFI) para makatulong sa gobyerno—ang pagsaklolo sa mga bilanggo. Ito ang magiging paraan ng mga asawa ng mga mambabatas para suportahan ang giyera ng gobyerno laban sa droga na kaugnay ng battle cry nito: “Tapang at Malasakit.”
Napukaw ang CSFI sa panawagan ng Bureau of Jail Management and Penology (BJMP) at Department of Interior and Local Government (DILG) sa mga programa para sa rehabilitation at productivity projects para sa dumaraming bilanggo.
Inihayag ni Emelita Alvarez, presidente at chairperson ng CFSI, na halos 115,000 bilanggo sa ilalim ng BJMP ang humaharap sa kasong konektado sa ilegal na droga. Asawa si Alvarez ng House Speaker na si Pantaleon Alvarez.
Inihayag ni Alvarez ang pagsisimula ng joint CSFI-BJMP-DILG “Malasakit-Inmate-Preneur Livelihood Program” sa layunin na hindi lang maging produktibo ang mga bilanggo kundi makibahagi rin sa ekonomiya ng Pilipinas kaysa maging bahagi ng gastos na nakakaaapekto sa budget ng bansa.
Naglalaan ang gobyerno ng araw-araw na allowance na P50 kada bilanggo, na nananatiling hamon sa DILG dahil nakaaapekto sa BJMP at DILG budget ang supply allocation para sa mga bilangguan.
Sa ilalim ng proyekto, nakikipag-ugnayan na sila sa Department of Budget and Management (DBM) bilang pangunahing kustomer ng walis-tambo o walis-tingting livelihood project.
Bibili ng mga materyales ang CFSI mula sa mga magsasaka at ibibigay sa mga bilanggo para gawin ito. Bibilhin naman ng DBM ang mga produktong gawa ng bilanggo.
Sinabi naman ni Cathy Binag, asawa ni Davao del Norte First District Rep. Tonyboy Floiredo, na magbibigay ng kapital ang CFSI para sa mga bilanggo, na ibabalik din ng mga ito sa CFSI para sa iba pang proyekto.
Dagdag ni Binag, ang seed capital ay magmumula sa mga donasyon. (PNA)