Napanatili ng Ateneo de Manila ang kampeonato sa men’s division, habang nabawi ng University of the Philippines ang korona sa women’s side sa katatapos na UAAP Season 79 swimming competition sa Rizal Memorial Swimming Pool.
Pinangunahan ni season MVP Aldo Batungbacal ang dominasyon ng Blue Eagles sa apat na araw na kompetisyon para makatipon ng kabuuang 603 puntos para makopo ang titulo sa ikatlong sunod na taon.
Nanalo si Batungbacal at naitala ng dalawang bagong league record sa final day para sa Ateneo sa 1,500-meter freestyle (16:42.21) at 200-meter breaststroke (2:22.95).
Ngunit, nabigo ang Ateneo na maulit ang championship double nang maungusan ng Lady Maroons ang Lady Eagles. Nabawi ng Lady Maroons ang titulo para sa ika-15 sa kabuuan.
Nagsilbing susi sa panalo ng UP ang kanilang breaststroke specialists sa pamumuno ni Pricila Aquino sa huling araw ng kompetisyon upang makalikom ng kabuuang 444 puntos. Nakopo ng Ateneo ang 411.
Naging konsolasyon na lamang para sa Lady Eagles ang muling pagwawagi ni Hannah Dato ng kanyang ikatlong sunod na MVP award matapos humakot ng anim na gintong medalya.
Pumangalawa sa men’s division ang De La Salle na may 340 puntos at pangatlo ang UP na may 194 puntos.
Nagtapos namang pangatlo ang Lady Archers sa women’s side sa natipon nitong 129 puntos.
Samantala, may bagong kampeon sa juniors matapos magwagi ang UST at De La Salle-Zobel sa boys at girls division, ayon sa pagkakasunod.
Tinapos ng Tiger Cubs ang 11- taon na paghahari ng Blue Eaglets’ matapos magtala ng 356 puntos kumpara sa 312 ng Katipunan-based swimmer.
Nabigo naman ang Junior Tigresses na panatilihin ang titulo sa girls class nang maungusan ng DLSZ (373-370).
Napili na MVP sa boys at girls division sina De La Salle-Zobel tankers Sacho Ilustre at Nicole Pamintuan.
(Marivic Awitan)