QUETTA (Reuters) – Patay ang 59 katao at 117 iba pa ang malubhang nasugatan nang lusubin ng mga armadong kalalakihan ang isang training academy ng Pakistani police sa timog kanluran ng Quetta, sinabi ng mga opisyal ng pamahalaan nitong Martes.
May 200 trainees ang nakaistasyon sa pasilidad nang maganap ang paglusob noong Lunes ng gabi. Ilan sa kanila ang hostage habang nagaganap ang pag-atake na umabot ng limang oras. Karamihan sa mga namatay ay police cadets.
Kinumpirma ni Mir Sarfaraz Bugti, home minister ng Baluchistan province, na ang kabisera ay Quetta, noong Martes ng umaga na lima hanggang anim na armadong kalalakihan ang umatake sa dormitoryo sa loob ng training facility habang nagpapahinga at natutulog ang mga kadete.