Nakahinga nang maluwag ang Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA) matapos na alisan ng pananagutan sa pagkamatay nina Bryan, OJ, Bobby at Bullet.

Ang apat ay pawang drug-sniffing dogs na nagkakahalaga ng P3,056,000.

Nang mamatay ang mga K9 sa poder ng PDEA, pinapanagot ang nasabing ahensya. Samantala nitong Hulyo 28, 2016, kinatigan ng Commission on Audit (COA) ang motion for partial reconsideration ng ahensya.

Ayon kay PDEA Director General Isidro S. Lapeña, noong 2002 ay inilipat sa kanila ng National Drug Law Enforcement and Prevention Coordinating Center (DEP Center) ang 14 narcotic detector dogs (NDDs) na kinabibilangan ng 12 male Belgian Malinois at dalawang male Dutch Sheperds, na ang bawat isa ay nagkakahalaga ng P764,000.

National

Super Typhoon Ofel, napanatili ang lakas habang nasa northeast ng Echague, Isabela

Ang mga nasabing aso ay katuwang ng PDEA sa pagtimbog ng mga droga sa seaports, airports, bus terminals at iba pang anti-drug search operations.

“However, out of the 14, 12 died one after the other brought about by complication of old age and senility from CY 2002 to 2011, as evidenced by the necropsy reports and death certificates issued by duly-licensed government veterinarians,” ayon kay Lapeña.

Nag-request ang PDEA sa COA ng ‘relief from property accountability’ upang maalis sa book of accounts ng ahensya ang mga namatay na K9.

Sa desisyon ng COA noong Pebrero 3, 2014, ang pagkamatay ng walong aso lang ang mahusay na naidokumento. Pinapanagot ang PDEA sa apat pang K9 na ang pagkamatay ay hindi umano naimbestigahan o nai-refer sa COA auditor.

Ang desisyon ay iniapela ng PDEA noong March 11, 2014.

“PDEA, in its pursuit for credit of non-liability, is thankful that the COA, after more than two years, has finally recognized that the documents presented proved the agency should not be held accountable for the deaths of the 12 K9s,” ayon sa PDEA chief. (Chito A. Chavez)