Maagang pamasko para sa 53 atleta at apat na coach mula sa Philippines Sports Commission.

Ipinagkaloob ng PSC, sa pangunguna ni chairman William ‘Butch’ Ramirez ang kabuuang P7.4 milyon cash incentives para sa mga atleta na kabilang sa delegasyon na sumabak sa 2016 Olympics at Paralympics sa Rio de Janeiro, Brazil nitong Agosto, 2016 Asian Beach Games sa Danang, Vietnam; at World Chess Olympiad sa Baku, Azerbaijan.

Tumanggap ng pinakamalaking insentibo na P1 milyon si Josephine Medina, nagwagi ng bronze medal sa ParaGames, habang binigyan ng tig-P200,000 sina Grandmaster Eugene Torre at tanging Pinay GM na si Janelle Mae Frayna.

“Si Hidilyn Diaz, nakuha na niya yung incentives nita under ng Incentives Act. Itong ibinigay namin ay konting bonus sa ibang atleta na hindi kober ng batas,” pahayag ni Ramirez.

6 koponan nagbabalak ligwakin ang PVL; lilipat daw sa bagong liga?

Kasama ni Ramirez na nagbigay ng tseke sa mga atleta sina Commissioners Charles Raymond Maxey, Celia Kiram, Ramon Fernandez, at Arnold Agustin sa simpleng seremonya na isinagawa matapos ang flag raising ceremony sa Rizal Memorial Coliseum.

“Masaya po, kasi damang-dama po naming ngayon yung malasakit n gating gobyerno, lalo na sa PSC under chairman Ramirez,” pahayag ni Frayna, pambato ng Far Eastern University.

Hindi naman napigilan ng mga atletang may kapansanan ang mapaluha dahil sa pagkalingang ibinigay ng PSC.

“Proud kami na maging atleta. Ganitong suportado kami ng PSC, mas tumataas ang morale namin at determinasyon na magsanay ng mabuti para sa susunod na tournament,” sambit ni Medina.

Ang bronze medal ni Medina ang kauna-unahan sa Pilipinas mula nang magwagi ng bronze si Adelina Dumampong sa powerlifting may 16 na taon na ang nakalilipas.

Kabilang din sa nabiyayaan sina Olympic marathoner Mary Joy Tabal, Filipino boxer Charly Suarez ng Davao del Norte, tanker Jessie Khing Lacuna, table netter Ian Lariba, Paralympic swimmer Ernie Gawilan, Margarita Ochoa, at Annie Ramirez. (Angie Oredo)