MARAMING taon na ring hindi lumalabas sa pelikula man o sa telebisyon ang dating aktres na si Laarni Enriquez, pero pagdating na pagdating pa lang niya sa Novotel nang ganapin ang Star Awards for TV nitong nakaraang Linggo ay kasama siyang pinagkaguluhan at ng anak niyang si Jake Ejercito.
Noong nakaraang local election ay marami rin ang nagkagulo kay Laarni pero nanatili lang siyang nasa likod at pinagmamasdan ang mga nagaganap. Pero nang gabing iyon ay hindi ipinagkait ni Laarni ang kagustuhan ng reporters na ma-interview siya.
Ibinigay niya ang komento niya hinggil sa isyung pinagdadaanan ngayon ng anak niyang si Jake na itinurong tunay na ama ng anak ni Andi Eigenmann.
Diretsahang binanggit ng dating aktres na naghihintay lang naman daw siya at very open.
“Alam n’yo ang importante kasi, eh, kung ano ang sasabihin ng ina. Ako naghihintay lang naman ako. I can accept. Ang kailan lang umamin ‘yung lalaki, hindi ba? Siguro let’s just wait for Andi. And siguro naman nagbigay na siya ng statement and nandu’n na naman lahat sa statement niya,” sabi ni Laarni.
Walang problema sa kanya ang anak ni Andi.
“Napakaraming bata na minamahal namin na hindi sa amin, I mean hindi namin kaanu-ano. What more kung sa amin, siyempre, tatanggapin namin at higit na mamahalin at ipagmamalaki namin siya,” sey pa ni Laarni.
Kinumusta rin namin sa kanya kung may reaksiyon na ba si Mayor Joseph “Erap” Estrada hinggil sa isyu.
“Well, hindi pa siya ganu’n ka updated,” napangiting sagot ng dating aktres.
Samantala, tuwang-tuwa siyempre si Laarni sa pagkakapanalo ni Jake as Best New Male TV Personality na inalay naman nito sa anak na si Ellie.
“Hayaan muna natin. Mahabang proseso pa ang kakailanganin at ipauubaya muna natin sa kanila ‘yan. Basta ako, eh, very much proud dahil kagaya ng lahat ng mga nanay, eh, kahit anong achievements ng anak mo, malaki man o maliit, kahit sa school, ngayon du’n sa performance niya, siyempre, dapat unang-unang matutuwa ang mga nanay,” sey niya.
Ipinauubaya ni Laarni kay Jake ang desisyon kung magpapatuloy ito sa showbiz.
“Hindi ko rin naman kasi alam sa ngayon, kung ano talaga ang desisyon ng anak ko. For now, ‘yun lang paglabas-labas niya ‘pag nai-invite siya, okey na muna ngayon. Basta ‘yung pangako niya lang na tatapusin ang pag-aaral niya, na malapit na malapit na naman, eh, matutupad ng anak ko,” nakangiting lahad pa ni Ms. Laarni Enriquez. (JIMI ESCALA)
