INIURONG ni Kim Kardashian noong Lunes ang defamation lawsuit na isampa niya laban sa website na nagsasabing hindi totoo ang naganap na nakawan sa Paris, makaraang maresolba ng magkabilang panig ang isyu, ayon sa abogado ng reality star.
Iniatras ni Kardashian ang kaso ngayong buwan sa New York laban sa U.S celebrity gossip site na MediaTakeOut, ayon sa dokumento ng korte. Iniurong ang federal lawsuit na walang prejudice, kaya maaari itong isampang muli ni Kim.
“The matter has been resolved to the parties’ mutual satisfaction. Consequently, we voluntarily dismissed the action today,” saad sa email ni Andrew Brettler ng Los Angeles law firm of Lavely and Singer.
Iniulat ng MediaTakeOut na hindi totoo ang pagnanakaw kay Kardashian, 35-anyos, sa Paris at nagsumite ito ng pekeng insurance claim. Hindi tumugon ang website nang hingan ng komento tungkol sa isyu.
Inihayag ng French police na ninakawan si Kardashian ng alahas na nagkakahalaga ng $10 million at tinutukan ng baril at iginapos ng hindi kilalang mga lalaki si Kim sa kanyang apartment sa Paris noong Oktubre 3.
Walang tinukoy ang kaso na halaga ng danyos para sa defamation. Tinukoy ang MediaTakeOut.com at ang founder nito na si Fred Mwangaguhunga bilang defendants.
Matagal nang pinupuna si Kim Kardashian sa pagpapakita ng mga larawan ng kanyang engagement ring na nagkakahalaga ng $4 million at iba pang mga alahas niya bago pa man naganap ang insidente sa Paris. (Reuters)