TOKYO, Japan – Kabilang ang mga eroplano para sa militar, development assistance, at malalaking investment sa mga sisikaping makuha ni Pangulong Rodrigo Duterte sa Japan ngayong linggo.
Bibiyahe sa Tokyo ngayong araw ang Pangulo para muling pagtibayin ang relasyon at palakasin ang pakikipagtulungan sa Japan, sa mga nakalinya nitong pakikipagpulong sa mga lider ng gobyerno at negosyante.
Ayon kay Philippine Consul General to Japan Marian Jocelyn Ignacio, isa sa mga highlight ng pagbisita ng Pangulo sa Tokyo ay ang nakaplanong pag-upa sa limang Beechcraft TC-90 King Air Planes mula sa Japan, na magagamit para protektahan ang teritoryo ng bansa sa South China Sea.
“There’s a lot of interest in develop in defense cooperation so what we are really anticipating right now and what we are very excited about is the possibility that there might be a lease of TC (90s) by Japan to the Philippines,” sabi ni Ignacio sa panayam ng media.
Ayon kay Ignacio, posibleng maisapinal sa pagbisita ng Pangulo sa Tokyo ang walong malalaking Japanese investments, partikular sa manufacturing at agricultural sectors.
Posible ring magkaloob ang Japan ng ‘harvest loan’ sa Pilipinas. Isa itong uri ng credit facility na naglalayong maitaguyod ang paglago ng agrikultura.
“This is important because the focus will be on Mindanao. There is a lot of interest, I think, between the Philippines and Japan to try to extend some kind of assistance that goes beyond Metro Manila but goes all over the region. Cebu, for example, and in Mindanao, even in Davao,” dagdag pa niya. (Genalyn D. Kabiling)