BIBIYAHE ngayon si Pangulong Duterte para sa tatlong-araw na pagbisita sa Japan, isang linggo matapos siyang magtungo sa Brunei at China. Isa ang Japan sa pinakamalalapit na katuwang ng ating bansa sa larangan ng ekonomiya at seguridad at isa sa mga pangunahing pinagmumulan ng opisyal na ayudang pangkaunlaran ng Pilipinas. Sa kanyang pagbisita, umaasa si Pangulong Duterte na makahaharap si Prime Minister Shinzo Abe, gayundin si Emperor Akihito, na kamakailan lamang ay bumisita sa Pilipinas.
Gayunman, sa bisperas ng pagbiyahe ni Pangulong Duterte patungong Japan, nagpahayag ng pagkabahala ang huli sa inihayag kamakailan ni Pangulong Duterte tungkol sa polisiyang panlabas habang nasa China siya noong nakaraang linggo. Nais ni Prime Minister Abe na pakinggan ang paliwanag ni Pangulong Duterte tungkol sa bagong polisiyang panlabas ng ating presidente, ayon kay Atsushi Ueno, deputy chief of mission ng Embahada ng Japan dito.
Hindi lamang ang Japan ang nababahala sa polisiyang panlabas ng Pilipinas. Ang United States, na malinaw na pangunahin at direktang apektado sa bagong polisiya, ay nagpahayag na rin ng sarili nitong pangamba. Mismong ang mga miyembro ng Gabinete ni Pangulong Duterte ay hindi rin nakasisiguro sa kanilang ipalalagay.
Nagtatalumpati ang Pangulo sa Philippines-China Trade and Investment Forum sa Beijing nang ideklara niya: “In this venue, I announce my separation from the United States both in the military…not social…but economics also…” Dapat marahil na bigyang-diin na sinabi niya ito sa harap ng mga pribadong negosyante at hindi sa harap ng mga opisyal ng gobyernong Chinese. Kung sa grupo ng huli niya ito inilahad, magkakaroon ito ng bigat bilang opisyal na deklarasyon na may matitinding implikasyon sa ugnayan ng Pilipinas at Amerika.
Nang sumunod na araw, sinabi ng ilan mula sa Gabinete ni Pangulong Duterte na binanggit lamang ng huli ng salitang “separation”. “That is not annulment. That is not a divorce,” sabi ni Communications Secretary Martin Andanar. Sinabi naman ni Presidential Spokesman Ernesto Abella na ang pahayag ng Pangulo ay paglalahad lamang ng sariling kahilingan nito para sa isang higit na nagsasariling polisiyang panlabas.
Hindi ito ang unang beses na nagsalita si Pangulong Duterte tungkol sa ugnayan ng Pilipinas at Amerika ngunit tuwina ay binabawi niya ang mga partikular na kontrobersiyal niyang komento. Sa mga susunod na araw, maaari nating asahan ang mas malinaw na pagpapaliwanag mula sa mga miyembro ng Gabinete ng Presidente, at inaasahan nating naaayon ito sa pananaw na inihayag ni Presidential Spokesman Abella—na nais lamang ng Pilipinas ang isang higit na nagsasariling polisiyang panlabas, isang hindi masyadong nakaasa sa United States.
Uusisain ni Japanese Prime Minister Abe ang kaparehong usapin sa pagbisita ni Pangulong Duterte sa Japan simula ngayon, lalo na dahil ang Japan ay malapit na kaalyado ng Amerika, partikular na dahil may hiwalay itong alitan sa teritoryo sa China kaugnay ng ilang isla sa East China Sea. Inaasahan nating lilinawin ng Pangulo ang kanyang posisyon sa usapin, at sa pagtatapos ng kanyang state visit ay hangad natin ang isang bagong kabanata ng mas maigting na ugnayan ng Pilipinas at Japan.