NAIROBI, Kenya (AFP/AP) — Dumating na sa Kenya ang grupo ng 26 hostage na pinalaya matapos ang halos limang taon sa mga kamay ng Somali pirates nitong Linggo. Nagyakapan, nagtawanan at nag-iyakan ang mga ito nang alalahanin ang kanilang mga pinagdaanan.

“Am so, so happy. Really, am so, so happy. For UN, for Mr John (negotiator), for all the world. Thanks to you all,” sabi ng isa sa mga bihag na si Sudi Ahman.

Tumanggap umano ng $1.5 million ransom ang mga pirata, kapalit ng kalayaan ng mga bihag, ayon kay Bile Hussein, isa sa mga bandido.

Ang mga tripulante ng FV Naham 3, isang Omani-flagged, Taiwan-owned fishing vessel, ay kinabibilangan ng mga mamamayan ng Pilipinas, Vietnam, Taiwan, Cambodia, Indonesia, at China. Sila ang huling bihag ng Somali pirates na namayagpag sa pagdukot ng mga tripulante habang nasa kasiglahan ang pamimirata sa Indian Ocean.

National

5.9-magnitude na lindol, yumanig sa Southern Leyte; Aftershocks at pinsala, asahan!

Sinundo sila sa Galkayo City, Somalia ni John Steed, coordinator ng Hostage Support Partners para sa U.S.-based organization na Oceans Beyond Piracy.

“We have been working on this for four-and-a-half years... it’s great to bring them home and hand them over to their embassies and their families,” sabi ni Steed.

Matapos ayusin ang kanilang mga papeles sa Nairobi ay pauuwiin na ang mga bihag sa kani-kanilang bansa.

Inakyat ng mga piratang Somali ang Naham 3 noong Marso 2012 habang naglalayag sa timog ng Seychelles. Namatay sa paglusob ng mga pirata ang kapitan ng barko. Dalawa pang tripulante ang namatay sa sakit habang sila ay bihag sa Somalia.