Nina ROY MABASA at LEONEL ABASOLA
Dumating kahapon sa bansa si Assistant Secretary of State for East Asian and Pacific Affairs Daniel R. Russel ng United States (US), at misyon nito na alamin ang katotohanan sa likod ng mga pahayag ni Pangulong Rodrigo Duterte hinggil sa ‘pakikipaghiwalay’ ng Pilipinas sa Estados Unidos.
Pagkalapag sa bansa, agad nag-tweet si Russel at sinabing “Arrived in Manila.”
Kasunod nito ay isa pang tweet hinggil sa ‘separation’ na sinasabi ni Pangulong Duterte.
“Trying to make sense of what we’re hearing. Will ask our friends,” ayon kay Russel.
Ang Pilipinas ay first stop ng three-country swing sa Southeast Asia ni Russel. Inaasahang tatlong araw siyang mananatili sa Pilipinas upang makipagpulong sa mga opisyal ng pamahalaan, at lunch kasama naman ang mga kinatawan ng Young Southeast Asian Leaders Initiative (YSEALI).
Samantala nilinaw ni US State Department Spokesman John Kirby na matagal nang nakaeskedyul ang pagbisita sa Pilipinas ni Russel.
“It was something he’s been planning for months, but it does give us an opportunity in the context of these comments to try to get a better explanation of what was meant by ‘separation’ and where that’s going,” paliwanag ni Kirby sa media briefing.
Kaugnay nito, pinayuhan naman ni dating Senate President Juan Ponce Enrile si Duterte na pag-isipan muna ang mga binibitawang salita upang maging maayos ang tinatahak ng pamahalaan.
Ayon kay Enrile, iginagalang niya ang ‘pagkalas’ ng Pangulo sa US, gayunpaman maraming bansa ang maaapektuhan dahil malakas ang impluwensya ng nasabing bansa.
Maging ang China at Russia ay umaasa rin umano sa US, ayon pa kay Enrile.
Sakaling totohanin ang paghihiwalay, ibinabala ni Enrile na maraming bansa na kaalyado ng US ang kakalas din sa Pilipinas.