DALAWANG Lunes simula ngayon, sa Nobyembre 7, ihahalal ng mga Amerikano ang susunod nilang presidente. Masusing sinusubaybayan ng mga Pilipino ang eleksiyon sa Amerika, dahil mahalaga ito sa atin sa maraming aspeto. Mahalaga para sa atin ang halalan dahil kagaya ito ng sistema ng Amerika, maliban na lang sa mga primary at ang Electoral College nito. Magkakapareho rin tayo sa larangan ng pagbabatuhan ng batikos, pamimili ng boto at—kung paniniwalaan ang pambato ng Republican na si Donald Trump—dayaan sa eleksiyon.
Malayo sa pormal na ugnayan ng mga gobyerno ng Pilipinas at Amerika, lubhang malapit ang relasyon ng ating mga mamamayan. Sa ngayon, mayroong mahigit isang milyong Pilipino na nakatira sa Amerika at halos kalahati sa kanila ay mamamayan na ng Amerika na boboto rin sa Nobyembre 7. Mayroon silang personal na interes na pinoprotektahan sa halalan. Hanggang sa kasalukuyan, pinananatili nila ang malapit na ugnayan sa kani-kanilang pamilya sa Pilipinas, na karamihan ay nais na manirahan na rin sa Amerika, ngunit ang magiging resulta ng idaraos na eleksiyon ay tiyak na makaaapekto sa kanilang mga inaasam at pinapangarap.
Nanindigan na ang Republican candidate na si Trump laban sa pagkakaloob ng tulong sa milyun-milyong illegal immigrant sa Amerika, kabilang na ang maraming Pilipino. Paaalisin niya ang lahat ng ito sa Amerika sakaling manalo siya. Tinawag din niya ang Pilipinas na isang “terrorist state” kahilera ng Syria, Iran, at iba pang bansa sa Gitnang Silangan na ang mamamayan ay hindi dapat pahintulutang makapasok sa Amerika.
Maraming interesanteng aspeto ang eleksiyon sa Amerika para sa mga Pilipino. Sa unang pagkakataon sa kasaysayan ng Amerika, isang babae ang kumakandidato sa pagkapangulo — si Hillary Clinton ng Democratic Party. At buong pagmamalaki nating bibigyang-diin na nakauungos ang Pilipinas sa Amerika sa larangang ito—nagkaroon na tayo ng dalawang babaeng presidente: sina Corazon C. Aquino at Gloria Macapagal Arroyo.
May sarili ring eksena ng pagbibitiw ng maaanghang at hindi kagandahang pananalita ang isang kandidato; may bersiyon din nito ang Pilipinas at iniluklok natin siya sa puwesto noong Mayo. Natutuhan nating tanggapin ang mga ganitong retorika sa pangangampanya. Nakasisiguro tayong ganito na rin ang kahihinatnan ng mga Amerikano at higit nilang bibigyang-konsiderasyon sa kanilang pagboto ang mahahalagang usapin, kabilang na ang pamumuno ng Amerika sa mundo, trabaho at iba pang isyung may kinalaman sa ekonomiya, at kung sino ang dapat na pagkatiwalaan ng napakalaking responsibilidad na pangasiwaan ang nakalululang kapangyarihang nukleyar ng Amerika.
Dahil dito, at sa maraming antas, sinusubaybayan ng buong mundo ang halalan sa Amerika, partikular na ng ating gobyerno at ng ating mamamayan. Ang labis nating interes ay may kinalaman sa ating malapit na ugnayan sa mga Amerikano bilang kapwa natin. Hindi pa lang nating matutukoy sa ngayon kung ganito rin ang magiging ugnayan ng ating mga pamahalaan, lalo na kung ikokonsidera natin ang mga huling pahayag ng ating Pangulong Duterte sa mga ugnayang panlabas ng bansa. Wala pang malinaw sa usaping ito sa ngayon at ang kawalang-katiyakang ito ay higit na nagpapatindi sa interes nating mga Pilipino sa idaraos na eleksiyon sa Amerika.