KUNG talagang epektibo, mahusay at magaling ang mga tauhan ng Philippine National Police (PNP) ngayon, bakit laganap at hindi nila masugpo ang mga riding-in-tandem na pumapatay ng mga umano’y drug pusher at user? Nauunahan pa nila ang police raiding teams sa pagpapatumba sa mga ito na pawang suspek pa lamang. Kailangang kumilos ang mga tauhan ni PNP Chief Director General Ronald “Bato” Dela Rosa upang mapawi ang mga hinala na ang riding-in-tandem ay pakawala ng Duterte administration.

Upang hindi mapagbintangan ang administrasyon ni Pangulong Duterte sa extrajudicial killings, dapat mapigil ng PNP ang mga armadong magkakaangkas sa motorsiklo na pumapatay ng mga ordinaryong tao. Hindi ba namo-monitor ng mga tauhan ni Gen. Bato ang mga galaw at kilos ng riding-in-tandem o sila mismo ang nasa likod ng riding-in-tandem dahil sa masidhing kampanya na masugpo ang illegal drugs sa loob ng 3-6 na buwan?

May mga ulat na kabado ang mga mamumuhunan (investors) na magnegosyo sa Pilipinas bunsod umano ng walang-tigil na “pagbubunganga” ni Pangulong Duterte sa pagdepensa sa kanyang pamumuno tungkol sa human rights violations at extrajudicial killings kaugnay ng paglaban niya sa illegal drugs. Isa raw dahilan ng pag-uulik-ulik ng mga investor ay ang kawalang-katiyakan sa mga patakaran ng Pangulo at pabagu-bagong pahayag na sa dakong huli ay nililiwanag at inaayos ng kanyang mga tagapagsalita o miyembro ng gabinete.

Gayunman, tinataya ng World Bank (WB) na posibleng lumampas ang paglusog ng ekonomiya ng ‘Pinas sa 6.2% sa susunod na dalawang taon. Ayon sa WB, mananatiling ok ang short-term prospects bagamat may mga hamon sa polisiya ng Duterte administration, tulad ng pagkiling sa China at Russia at pagdistansiya sa United States.

Samantala, inihayag ni Mano Digong na magreretiro na siya sa pulitika pagkatapos ng kanyang anim na taong termino.

Ang nais niya ay isang malinis na gobyerno, walang kurapsiyon, walang illegal drugs at walang palakasan sa mga tanggapan o departamento ng pamahalaan. Binantaan din niya ang mga opisyal ng gobyerno, kabilang ang mga senador at kongresista, na huwag magsagawa ng katiwalian at kabulukan sapagkat magiging kaaway niya sila. Siya ay 71-anyos na at sakaling matapos ang kanyang anim na taon sa puwesto, siya ay 77-anyos na.

Batay sa mga report, dumami ang mga kaso ng murder o pagpatay kumpara sa nakaraang administrasyon pero bumaba naman ang mga kaso... ng ibang krimen. Nabunyag sa pagdinig ng Senate committee on justice and human rights na tumaas ng 8.9% ang murder case mula Enero hanggang Hulyo 2016. Umabot sa 6,950 ang kaso ng murder kumpara sa 6,382 noong 2015.

Inamin ni Gen. Bato na posibleng tumaas pa ang bilang ng murder sa sandaling makuha nila ang record mula Hulyo hanggang Setyembre, 2016. Sana naman ay magawan ng paraan ng PNP ang mga ganitong krimen. (Bert de Guzman)