Pinangunahan ni Manila Archbishop Luis Antonio Cardinal Tagle ang paglulunsad kahapon ng drug rehabilitation program ng simbahan na tinatawag na ‘Sanlakbay para sa Pagbabagong Buhay.’
Dakong 10:00 ng umaga, pinangunahan ni Cardinal Tagle ang banal na misa sa Manila Cathedral sa Intramuros, para sa programa ng archdiocese.
Ayon kay Tagle, ang Sanlakbay ang tugon ng Simbahang Katoliko sa kampanya laban sa ilegal na droga ng administrasyong Duterte, at sa pagdedeklara ni Pope Francis sa 2016 bilang Year of Mercy.
Sa ilalim ng programa, palalakasin ang preventive phase ng Restorative Justice Ministry ng Caritas Manila (CM), na tumutulong sa pagpapagaling ng drug surrenderers at kanilang mga pamilya sa pamamagitan ng spiritual formation, counselling, livelihood projects, skills formation training, arts, culture at sports activities para sa holistic development.
Kasama rin sa Sanlakbay ang pagkakaroon ng paralegal assistance, religious studies tulad ng Bible study at catechesis, livelihood training, education, advocacy, social action and services at medical assistance.
Katuwang sa Sanlakbay ang Center for Family Ministries, Psycho-Trauma Clinic ng University of Santo Tomas Graduate School, Department of Interior and Local Government at Philippine Drug Enforcement Agency. - Mary Ann Santiago