Inihayag kahapon ng National Disaster Risk Reduction and Management Council (NDRRMC) na umabot na sa mahigit P2 bilyon ang kabuuang pinsala ng bagyong ‘Lawin’ sa imprastruktura at agrikultura sa Regions 1, 2, 3 at Cordillera Administrative Region (CAR).

Sinabi ni Undersecretary Ricardo B. Jalad, NDRRMC Executive Director at Civil Defense Administrator, na batay sa taya ng ahensiya, may kabuuang P2,047,760,777.90 ang pinsala ng bagyo sa apat na nabanggit na rehiyon: P1,402,245,000 sa imprastruktura at P645,515,777.90 sa agrikultura.

Ayon kay Jalad, 119 na barangay ang napaulat na lubog pa rin sa baha sa Pangasinan, Bataan at Pampanga.

ALERTO VS LEPTOSPIROSIS

Probinsya

Tinatayang 132,000 pamilya, lumikas sa Eastern Visayas dahil sa super typhoon Pepito

Dahil dito, nagbabala naman ang Pangasinan Provincial Health Office sa mga Pangasinense na mag-doble ingat laban sa nakamamatay na leptospirosis.

Sinabi ni Dr. Ana De Guzman, provincial health officer, na 85 porsiyento ang itinaas ng mga kaso ng leptospirosis sa lalawigan; nasa 146 na kaso at 22 pagkamatay ngayong taon, kumpara sa 79 at walong pagkasawi noong 2015.

Dahil naman sa matinding pinsalang idinulot ng Lawin sa Cagayan, nananatiling suspendido ang lahat ng klase sa mga pampubliko at pribadong paaralan, sa lahat ng antas, sa probinsiya, batay na rin sa deklarasyon ni Gov. Manuel Mamba.

Walumpu’t apat na road section at 19 na tulay naman ang hindi pa rin madaanan sa mga apektadong rehiyon hanggang ngayon, ayon sa NDRRMC.

MANGGAGAWA SINAKLOLOHAN

Kaugnay nito, kaagad namang sinaklolohan ng Department of Labor and Employment (DoLE) ang daan-daang manggagawa sa North Luzon na sinalanta ng Lawin sa pamamagitan ng emergency employment program ng kagawaran.

Nasa 800 manggagawa ang unang nakinabang sa programa na nagbibigay ng 10 araw na trabaho para sa clearing operations, paglilinis ng mga kalsada, pagpapanumbalik sa mga nasirang istruktura, at iba pang kaugnay na rehabilitasyon mula sa bagyo.

“Due to the extent of damage in the region, particularly in Isabela and Cagayan, the emergency employment may extend up to 30 days,” ani Labor Secretary Silvestre Bello III.

Pinagkalooban ng Group Personal Accident Insurance sa ilalim ng Government Service Insurance System (GSIS), hinimok din ni Bello ang Social Security System (SSS) na tiyaking mapapabilis ang pagpapalabas ng emergency at calamity assistance sa mga apektadong manggagawa mula sa pribadong sektor.

Hiniling din ng kalihim sa Home Development Mutual Fund (Pag-IBIG Fund) na magbukas ng “special assistance window” upang matulungan ang mga manggagawa at ang kanilang mga pamilya na makumpuni o muling maitayo ang kanilang mga nasalantang bahay. (Francis Wakefield, Liezle Basa Iñigo at Mina Navarro)