Hindi man tuwirang magsalita, hindi na magbabalik at maglalaro para sa kanyang huling taon sa NCAA sa Arellano University ang kanilang ace guard na si Jiovani Jalalon.

Ang itinuturing na pinakamahusay na amateur guard sa kasalukuyan ay kabilang sa hanay ng mga Gilas Cadets na kalahok sa isasagawang special draft ng PBA.

Naselyuhan ito kaugnay ng pagkakasundo ng pamunuan ng PBA at ng Samahang Basketbol ng Pilipinas hinggil sa pagbuo ng Gilas Pilipinas squad na nakatakdang maging kinatawan ng bansa sa mga darating na international competitions.

“The PBA has shown its commitment to the SBP and its support for the Gilas program,” pahayag ni SBP president Al Panlilio. “There is full commitment from the two institutions.”

6 koponan nagbabalak ligwakin ang PVL; lilipat daw sa bagong liga?

Ang mga miyembro ng Gilas cadet pool na kasama ni Jalalon na pagpipilian ng mga PBA teams ay sina Mac Belo, Carl Bryan Cruz, Ed Daquioag, Russell Escoto, Kevin Ferrer, Von Pessumal, Roger Pogoy, Mike Tolomia, Arnold Van Opstal, Matthew Wright, at Alfonso Gotladera.

Ang nabanggit na special draft ay isasagawa bago idaos ang Annual Rookie Draft sa Oktubre 30.

Nakapaloob din sa kasunduan ng PBA at SBP na anumang oras ay maaaring hiramin sa kani-kanilang mga mother teams ang mga Gilas cadet kapag kinakailangan nilang lumaro para sa Gilas dalawang buwan bago ang kompetisyon. Hindi rin sila puwedeng i-trade sa loob ng dalawang taon. - Marivic Awitan