“PUBLIKONG inaanunsiyo ko ngayon sa inyo na ako ay humihiwalay na sa Estados Unidos, hindi lang sa relasyong militar kundi maging sa ekonomiya. Kaalyado ko na ang China at Russia sa kanilang idolihiya. Pilipinas, China at Russia laban sa mundo.” Bahagi ito ng talumpati ni Pangulong Digong sa mga negosyanteng Pinoy at Tsinoy na nagtipon sa Bejing, China.

Sinalubong ng masigabong palakpakan ang pahayag na ito ng Pangulo. Hindi ko naman alam kung ito ay kanilang pinaniwalaan. Kasing-laki ba at lakas ng China at Russia ang Pilipinas upang ihanay mo ito sa kanila para sa anumang layunin?

Nahilo ang Kano sa tinurang ito ng Pangulo. Kaya, pupunta sa Maynila si U.S. Assistant State Secretary for East Asia and Pacific Affairs Daniel Russel sa Oktubre 22 hanggang 25, upang makipag-usap sa mga opisyal ng gobyerno. Ang layunin daw niya ay linawin sa mga ito ang sinabi ng Pangulo na “humihiwalay” na siya sa Amerika. Hindi lang daw sila ang nababahala, kundi ang kanilang mga kaalyadong bansa sa Asya lalo na ang Japan na hindi maganda ang relasyon sa China.

Pero, bilang paglilinaw, hindi naman daw ito nangangahulugan ng pagkalas ng Pilipinas sa mga tratado at kasunduang pinasok nito sa kanyang mga kaalyadong bansa, ayon kay Presidential Spokesperson Ernesto Abella. Pagbibigay lang daw ito ng diin sa nais ng Pangulo na ipursige ang kanyang independent foreign policy. Pero, mag-isa lang ba niyang gagawin ito at sa pamamagitan ng laway? Isinusubo niya sa ginagawa niyang ito ang kanyang mamamayan at ang relasyon ng kanyang bansa sa ibang mga bansa.

Kung nais mong humiwalay sa Amerika, ang mga tratado at kasunduan mo rito ay may mga probisyong kung paano mo puputulin ang mga ito. Kung ayaw mong sumunod at kagyat mo nang tapusin ang... mga ito, pormal mong sabihan ang Amerika. Sa gagawin mong ito, isama mo ang iyong mamamayan. May proseso ang Saligang Batas para rito. Pero, higit akong naniwala sa sinabi ni Congressman Edcel Lagman na “hyperbole” o palamuting salita lang ang winika ng Pangulo.

Kaya nga, nakapag¬-uwi siya ng $24 billion na halaga ng soft loan at investment. (Ric Valmonte)