MOGADISHU (Reuters/AFP) – Pinalaya ng mga piratang Somali ang 26 Asian sailors na mahigit apat na taon na nilang bihag matapos i-hijack ang barkong sinasakyan ng mga ito sa Indian Ocean, sinabi ng mga opisyal nitong Sabado.

Ang mga tripulante – mula Pilipinas, Cambodia, China, Indonesia, Vietnam at Taiwan -- ay dinukot sa timog ng Seychelles noong Marso 2012, sa kainitan ng mga pag-atake ng mga pirata sa karagatang nagdudugtong sa Europe sa Africa at Asia.

“The crew is here (in Galkayo). They will be flown to the Kenyan capital, Nairobi, on Saturday,” sabi ni Hirsi Yusuf Barre, mayor ng Galkayo sa hilaga ng Somalia, sa Reuters. “The crew did not say if ransom was paid,” dagdag niya.

Ayon kay Barre, namatay sa hijacking ang kapitan ng barko, habang dalawa pang crew member ang namatay sa sakit habang sila ay bihag.

Politics

Dalawang Tulfo brothers, nanguna sa survey ng senatorial race

Ang crew ng Omani-flagged vessel na Naham 3, ang ikalawang pinakamatagal na naging hostage ng mga piratang Somali. Dinala sila sa Dabagala malapit sa bayan ng Harardheere, may 400 kilometro ang layo mula sa hilagang silangan ng kabiserang Mogadishu, na naging base ng mga pirata sa kasagsagan ng krisis.

“The release of the Naham 3 crew represents the end of captivity for the last remaining seafarers taken hostage during the height of Somali piracy,” sabi ni John Steed, coordinator ng Hostage Support Partners (HSP) na tumulong sa pag-negotiate ng kanilang paglaya.

Ayon kay Steed, malnourished ang crew at isa sa mga hostage ay may sugat ng tama ng bala sa paa, ang isa pa ay mayroong diabetes.

Inabot ng 18 buwan ang negosasyon at nakatulong dito ang pakikipag-usap nila sa komunidad, tribal at religious leaders, ayon kay Steed. Tumanggi siyang magbigay ng detalye, ngunit sinabing puno ng panganib at “heroism” ang daan tungo sa paglaya ng mga bihag.