NAGDIWANG si Vina Morales ng kaarawan noong Oktubre 17 at birthday gift niya sa kanyang sarili ang ilang araw na bakasyon sa ibang bansa kasama ang French boyfriend na si Marc Lambert.
Ang sinasabing boyfriend ng singer/actress ay ex-boyfriend ng dating FHM model na si Avi Siwa na naging host din ng programang Out na umere sa GMA-7 noong 2004.
Hindi maganda ang paghihiwalay nina Avi at Marc kaya kung anu-anong masasakit na salita ang sinasabi ng una tungkol sa ex-boyfriend at nadadamay na pati ang singer/actress.
Ang pinupunto ni Avi, hindi raw sinusustentuhan ni Marc ang anak nila gayong wala naman daw halos ginawa kundi magpasarap at mamasyal kung saan-saan base na rin sa mga litratong ipino-post ni Vina sa Instagram na gina-grab naman ng una para maging ebidensiya raw kapag nagsampa siya ng kaso laban sa ama ng anak.
Duda ni Avi, baka raw hinaharang ni Vina ang pagsusustento at pagdalaw ng ex-boyfriend sa anak niya.
Nagkasakit ang anak ni Avi habang magkasama sina Marc at Vina kaya lalo pang nagalit ang una at maraming masasamang salitang ipinost sa Instagram na naka-tag kay Vina.
Bukod dito, nag-post din si Avi ng mga litrato nila ni Marc during their happy days. Marami ang nagkokomento at nagtatanong kung bakit daw kailangan pa itong gawin gayong matagal na silang hiwalay.
Maging ang panayam ni Cedric Lee sa PEP nang muli nitong idemanda si Vina ng libel ay pinost ni Avi at may caption na, “And KARMA begins... 5 warrant of arrest will be issued simultaneously this November for@vina_morales.”
Aware pala si Vina sa lahat ng posts ni Avi pero nananatiling tikom ang bibig niya at ayaw niyang mag-comment. Pero noong bago pa lang sila ng boyfriend niya ay sinabihan niya ang dating FHM model na nine months na silang hiwalay nang magkaroon sila ng relasyon ni Marc at very much in love at wala raw inilihim si Marc sa naging relasyon nito noon sa ex-girlfriend.
Nakauwi na ng Pilipinas si Vina kahapong madaling araw at dedma pa rin siya. Katunayan, puro sweet moments nila ni Marc ang mga pinost niya kasama na ang pag-video ng malaking bahay na ipinagagawa niya na katas ng 30 years niyang pagtatrabaho sa showbiz.
Grabe, 30 years na sa showbiz si Vina, ngayon pa lang nagpagawa ng sariling bahay? Samantalang ‘yung ibang batang artista ngayon, nakakatatlong taon pa lang sa showbiz, may magagarang bahay na!
Dati naman nang may bahay si Vina pero ibinigay niya iyon sa kanyang Daddy Ike Magdayao. Nag-invest siya sa mga negosyo na kanyang pinalago bago siya nag-ipon muli para sa sariling bahay naman nila ng kanyang anak na si Ceana.
Tinext at tinatawagan namin si Vina kahapon para hingan ng komento tungkol sa mga post ng ex-girlfriend ng boyfriend niya pero hindi niya kami sinasagot.
Samantala, binasa namin ang lahat ng komento sa mga post ni Avi, may mga negatibo at may positibo, pero ang nagmarka sa amin ay ang nagkomento ng, “Nangangamoy ang bitterness mo, girl. Kung supporta lang gusto mo, eh, okay lang.
Parang ang gusto mo mangyari bumalik sa ‘yo si Marc Lambert, eh. Haha, sad naman.”
Kasi nga panay ang post ng dating FHM model ng mga litrato nila ng ex-boyfriend gayong matagal na silang hiwalay.
May nag-comment pa na sinasadya raw ito ni Avi para asarin si Vina.
Mukhang hindi naman nagtatagumpay si Avi.
Abangan natin sa mga susunod pang araw. (REGGEE BONOAN)
