TUMUPAD sa kanyang ipinangako sa mga pulis at sundalo, ipinalabas noong nakaraang buwan ni Pangulong Duterte ang Executive Order 3 na nagtataas sa combat duty pay ng militar, na mula sa P500 ay ginawang P3,000 kada buwan habang ang dating P340 ng pulisya ay P3,000 kada buwan na rin. Dinagdagan ang combat incentive pay na P150-P1,500 kada buwan sa P300-P3,000. Ang kabuuang budget para sa umentong ito ay P12 bilyon.
Sa mga unang buwan ng kanyang administrasyon, nakipagtulungan si Pangulong Duterte sa pulisya sa pagpapatupad sa kanyang kampanya kontra droga. Nasa 3,700 katao na ang napatay sa kampanya, kaya naman ilang opisyal ng United Nations ang nagpahayag ng pangamba sa posibleng paglabag sa mga karapatang pantao. Pinabulaanan naman ng Pangulo ang mga pagkabahalang ito, idinagdag na karamihan sa mga napatay ay mga tulak ng droga na nanlaban sa pagdakip. Napatay din ang ilan sa mga pulis na nagpapatupad sa nabanggit na kampanya, aniya.
Hindi natin dapat kainggitan ang magandang kapalaran ng mga unipormadong tauhan ng gobyerno, lalo na dahil ang umento ay para sa combat duty at karapat-dapat lamang para sa mga humaharap sa matitinding panganib sa kanilang buhay.
Ngunit ang katotohanan, bunsod ng inflation — ang pagtaas ng presyo ng mga bilihin — sa nakalipas na mga taon, ang suweldo ng karamihan sa ibang manggagawa, sa gobyerno man o hindi, ay hindi na sapat sa pangangailangan ng kani-kanilang pamilya.
Maaaring ang pakiramdam ng libu-libong kawani ng gobyerno ay nakaligtaan na sila ni Pangulong Duterte dahil pinili ng una na unahing bigyan ng umento ang mga pulis at sundalo. Ang marapat nilang gawin ngayon ay ang igiit, sa pamamagitan ng kani-kanilang mga kinatawan sa Kongreso at ng ilang iba pang opisyal, ang pagkakaroon ng sarili nilang taas-sahod, kasunod na rin ng pagkakaloob ng umento sa pulisya at militar.
Ang mga guro sa bansa, lalo na, ay matagal nang humihingi ng umento. Sa pagdiriwang ng World Teachers Day noong Oktubre ng nakaraang taon, gaya ng dati ay binigyang-pugay sila ng kalihim ng edukasyon ng administrasyong Aquino na si Armin Luistro dahil sa pinakamahalaga nilang tungkulin na turuan ang kabataan ng bansa bilang paghubog sa kinabukasan ng bansa. Nagpasalamat ang mga guro para sa pagbibigay-pugay, pero sinabi nila: “Mas kailangan ng mga guro ang tunay na pagpapahalaga.”—tinukoy ang matagal na nilang iginigiit na dagdag-sahod.
Sa huling survey ng Pulse Asia nitong Setyembre 25-Oktubre 1 tungkol sa mga pangunahing pangangailangan sa bansa, 46 na porsiyento ang nagsabing pangunahin para sa kanila ang taas-suweldo, kasunod ng pangangailangan para sa mas maraming trabaho at pagpigil sa pagtaas ng presyo ng bilihin. Sa naunang survey noong Hulyo, pangunahing hangad ng publiko ang masugpo ang kriminalidad.
Malinaw na natugunan na ng kampanya laban sa droga ng bagong administrasyon ang problema ng mamamayan sa krimen. Sa mga susunod na linggo at buwan, umaasa tayong tututukan naman ng gobyerno ang pagpapaunlad sa ekonomiya, paglikha ng maraming trabaho, pagkakaloob ng umento, at pagbubuo at pagpapatupad sa mga hakbangin upang maisakatuparan ang lahat ng ito.