Pinaalalahanan ni Labor Secretary Silvestre Bello III ang mga kumpanya sa bansa na mahigpit na sumunod sa random drug testing sa kanilang mga establisyemento, bilang suporta sa kampanya ni Pangulong Rodrigo Duterte laban sa illegal drugs.
Ang Department Order No. 53-03 o Guidelines for Implementation of a drug free workplace policies and programs for private sector, ay nag-oobliga ng random drug testing sa mga empleyado, kontratista at concessionaires.
Ayon sa ulat ng Bureau of Working Condition ng DoLE, may 36,002 establisyemento ang sinuri sa ilalim ng Labor Laws Compliance System, 29,607 o 82.24 porsiyento sa mga ito ay nabatid na drug-free workplace.
Sinabi ni Bello na ang mga kumpanya na susunod sa mga patakaran ay maaaring humiling ng tulong mula sa DOLE Regional Offices at kani-kanilang Labor Laws Compliance Officers sa pagbalangkas ng mga alituntunin ng programa alinsunod sa DO 53-03. (Mina Navarro)