Naghihimas ng rehas ang isang bagitong pulis matapos umano niyang mabaril at mapatay ang kanyang kabaro habang nag-a-unload ng kanyang baril sa Manila Police District (MPD)-Station 1, sa Tondo, Maynila nitong Biyernes.

Kasong homicide ang nakatakdang isampa kay PO1 Dennis Kias, 31, binata, nakatalaga sa Smokey Mountain PCP at residente ng Block 1, Samabana Street, Lower Bicutan, Taguig City.

Si Kias ay kasalukuyang nakadetine sa detention cell ng MPD-Crimes Against Persons Investigation Section (CAPIS) matapos niyang mapatay ang kanyang kasamahan na si PO1 Helrey Estares, 26, binata, nakatalaga sa Smokey Mountain PCP, at residente ng 4274 Apitong St., Hillside Village, Barangay Ugong, Valenzuela City.

Sa imbestigasyon ni PO3 Jorlan Taluban, nangyari ang aksidente dakong 9:30 ng umaga sa loob mismo ng Smokey Mountain PCP, na matatagpuan sa Honorio Lopez Boulevard, sa Balut, Tondo.

Eleksyon

Archdiocese of Manila, hindi mag-eendorso ng kandidato sa eleksyon

Naghahanda na umanong umuwi ang dalawa at hinihintay na lamang ang kanilang karelyebong pulis nang maisipan ni Kias na mag-unload ng kanyang baril, .9 mm Glock 16, sa silid ni Police Senior Inspector Monico Aliado.

Gayunman, aksidenteng pumutok ang baril at tumama ang bala sa sementadong pader bago bumalandra sa pintuang kahoy, at tumagos at tumama sa dibdib ng biktima na nagkataong nakatayo sa tapat ng pintuan.

Nagulat na lang umano si PO2 Vener Ortega nang lapitan siya ng biktima at sabihing may tama siya sa dibdib, kaya isinugod agad sa pagamutan ngunit huli na ang lahat. (Mary Ann Santiago)