GAPAN City, Nueva Ecija - Nagpahayag ng pagkabahala ang iba pang miyembro ng Sangguniang Panlungsod dito makaraang mapaslang ang isa nilang kasamahan at makaranas naman ng pananakot ang isa pa noong nakaraang linggo.
Ito ay kasunod ng paglalaan ni City Mayor Emerson “Emeng” Pascual ng pabuyang P200,000 sa sinumang makapagbibigay ng kaukulang impormasyon sa ikalulutas ng pamamaslang kay Councilor Sonny Diaz San Jose, 44, ng Barangay Sto. Cristo Norte.
Kasama ni San Jose ang kanyang driver na si Antonio Barcelona Punzal, 36, at limang iba pa sa bakuran ng mga panabong ni Roel Francisco sa Purok 4, Bgy. Mangino, nang pagbabarilin sila ng tatlong hindi nakilalang salarin noong Miyerkules ng hapon.
Bukod sa konsehal, nasawi rin sa insidente si Punzal.
Kinagabihan, nagsumbong si Councilor Danilo Pangilinan, pangulo ng Liga ng mga Barangay ng Gapan, na nakarinig siya ng putok ng baril sa harap at likod ng kanyang bahay sa Bgy. Mangino.
Naniniwala si Councilor Arthur Velayo na may kinalaman sa pulitika ang pagkamatay ni San Jose. (Light A. Nolasco)