Buong kainosentehang sinabi ng isang naarestong miyembro ng Abu Sayyaf Group (ASG) na hindi niya alam na mali at labag sa batas ang ginagawa ng kanilang grupo, kaya naman labis ang kanyang pagtataka kung bakit kailangan siyang arestuhin ng mga awtoridad.

Ayon sa Armed Forces of the Philippines (AFP), ito ang sinabi sa kanila ng isang miyembro ng bandidong grupo na sumailalim sa psycho-social processing matapos maaresto noong nakaraang linggo.

Nagsalita sa kanyang diyalekto, nagtataka si Pauji Asgari, miyembro ng Abu Sayyaf, kung bakit siya dinakip ng mga sundalo.

Buo ang paniniwala ni Asgari na tama ang ginagawa ng Abu Sayyaf dahil pawang masasamang tao naman ang kanilang nabibiktima, at nagkuwento rin kung paanong madalas silang pangaralan at turuan ng kanilang mga pinuno.

Probinsya

15-anyos na dalagita, patay matapos umanong gahasain ng 13 lalaki

Nahaharap si Asgari sa patung-patong na kaso matapos siyang maaresto at makumpiskahan ng isang M16 assault rifle, mga magazine, mga bala, isang backpack, mga kable ng kuryente, cell phone, duyan, motorsiklo, at Marine battle dress attire.

Sinabi ni Brig. Gen. Arnel dela Vega, commander ng Joint Task Force Sulu, na napatunayan sa kaso ni Asgari ang panlolokong ginagawa ng mga pinuno ng Abu Sayyaf sa mga miyembro nito.

“Minamanipula at niloloko ng ASG leaders ang kanilang mga miyembro at kinukumbinse sa mga maling paniniwala upang magsagawa ng mga karumal-dumal na krimeng labag sa batas at labag sa Islam,” ani Dela Vega. (Francis T. Wakefield)