Maagang Christmas gift ang ipinagkaloob ng pamunuan ng Technical Education and Skills Development Authority (TESDA), nang bigyan nito ng scholarship ang 40,000 kabataan at may mga may edad na sa Cavite, Laguna, Batangas, Rizal at Quezon (Calabarzon).
Sa idinaos na 2nd TVET Trainers Convention sa Bacoor City Government Center, Cavite kamakalawa, inanunsyo ni TESDA Secretary Guiling Mamondiong ang nabanggit na bilang ng mga pinagkalooban ng scholarship. Ang mga ito ay galing mismo sa Calabarzon.
Kasabay ng okasyon ay pinangunahan din ni Mamondiong, kasama sina Bacoor City Mayor Lani Mercado-Revilla at DDG Diosdado Padilla, ang pagbibigay ng certificates of recognition at cash prizes sa mga epektibong trainers ng mga training centers ng TESDA.
Tumanggap ng certificate of recognition ang mga napiling regional at provincial outstanding public at private trainers sa Calabarzon na nagpakita ng kanilang malasakit at pagsisikap para maiangat pa ang mataas na kalidad ng Filipino middle level manpower. (Beth Camia)