Matinding perhuwisyo ang naranasan ng mga motorista nang umabot sa anim na kilometro ang pagsikip ng trapiko dahil sa tumaob na cargo truck at pagkalat ng 26 na tonelada ng graba sa Commonwealth, Avenue, Quezon City, kahapon ng umaga.
Sa report ni SPO1 Afred Moises ng Traffic Sector 5, dakong 5:00 ng umaga nangyari ang insidente, sa ilalim ng footbridge sa Commonwealth, sa kanto ng Tandang Sora Avenue, Quezon City.
Ayon sa driver ng ten wheeler truck na si Alejandrino Edmar Salvador, 36, ng Pampanga, matulin ang kanyang pagtawid sa Commonwealth Avenue mula sa Tandang Sora Avenue nang biglang mag-red light at hindi na siya nakapagpreno.
“Dahil naka-go pa ang traffic light na green, iniwasan pa ng truck ko ang isang jeep kaya inabutan ako ng stop at tumaob ito kaya tumapon ang karga kong 26 na tonelada ng graba at kumalat sa tatlong lane ng kalsada,” kuwento ni Salvador sa pulisya.
Nahaharap si Salvador sa kasong reckless imprudence resulting to damage to property. (Jun Fabon)