SA harap ng pananalasa ng mga bagyo at buhawi sa iba’t ibang dako ng mundo ngayong buwan, nagkaisa naman ang mga bansa sa iba’t ibang kasunduan na layuning maibsan ang epekto ng climate change na pinaniniwalaang responsable sa tumitinding kalamidad.
Oktubre 5 ngayong taon nang ang Paris Agreement, nang nagsumite ang 196 na bansa ng kani-kanilang Nationally Determined Contributions sa hangaring limitahan ang pagtaas ng pandaigdigang temperatura sa 2 degrees Celsius, ay ideklarang umabot na sa antas na maaari na itong maipatupad. Sa kasalukuyan, nasa 81 bansa na ang nagratipika sa kasunduan. Pormal na itong ipatutupad sa Nobyembre 4.
Noong Oktubre 6, nagkaroon na ng kasunduan ang United Nations para sa isang pandaigdigang sistema na layuning bawasan ang polusyon mula sa pandaigdigang biyahe sa himpapawid. Inoobliga nito ang mga kumpanya ng eroplano na magbayad ng kompensasyon sa pagdami ng emissions matapos ang 2020 sa pamamagitan ng pagkakaloob ng pondo sa mga inisyatibang makakalikasan. Nasa 65 bansa, kabilang ang United States, China, at Europe, na bumubuo sa 83 porsiyento ng lahat ng pandaigdigang biyahe sa himpapawid, ang nagkaisang makikibahagi sa kasunduan na inaasahang susugpo sa polusyon na katumbas ng nalilikha ng nasa 35 milyong sasakyan kada taon.
At nitong Oktubre 15, nagkasundu-sundo ang mga negosyador mula sa mahigit 170 bansang nagpulong sa Kigali, Rwanda, sa isang legal at nagbubuklod na unawaan na hangaring bawasan ang paggamit ng chemical coolants sa mundo na tinatawag na hydrofluorocarbons o HFCs, na kadalasang ginagamit sa mga refrigerator at air-conditioner. Ang HFCs ay greenhouse gas na 1,000 beses na mas matindi kaysa carbon dioxide. Noong 2013, nagkasundo sina US President Barack Obama at Chinese President Xi Jinping na babawasan ang paggamit ng kani-kanilang bansa ng HFCs.
“This will be the trifecta of international climate agreements,” sinabi ni Andrew Light na kabilang sa mga negosyador mula sa Amerika. “It’s just extraordinary.”
Malaki ang naging papel ng Pilipinas upang maaprubahan ang kasunduan sa Paris noong Disyembre 2015, subalit nagpahayag si Pangulong Duterte ng pag-aalangan dito, sinabing maaaring magkaroon ng negatibong epekto sa ekonomiya ng bansa ang pangangako ng Pilipinas na babawasan ang carbon footprint nito ng 70 porsiyento pagsapit ng 2030. Sinabi naman ni Secretary of Environment and Natural Resources Gina Lopez na umaasa siyang maipaliliwanag upang maaprubahan ni Pangulong Duterte ang mga pakinabang ng bansa sa nasabing kasunduan.
At ngayong nagkakaisang kumikilos ang mga bansa sa mundo laban sa climate change, sa napakaraming antas at napakaraming larangan, mula sa refrigerator sa bahay hanggang sa pandaigdigang biyahe sa himpapawid, marapat lamang na hindi tayo mapag-iwanan sa sama-samang pagkilos ng mundo para sa isang mas malinis at mas ligtas na planetang Earth.