Hindi mapakali ang mga mambabatas sa ipinahayag ng Pangulong Rodrigo Duterte sa state visit nito sa China na pinuputol na nito ang relasyon ng Pilipinas sa United States.

Hiniling nilang linawin ng Pangulo ang saklaw ng pagputol ng relasyon sa US at pagbaling ng alyansa sa dalawang makapangyarihan at komunistang bansa – ang China at Russia.

Sinabi ni Senator Paolo “Bam” Aquino IV na dapat ipaliwanag ng Pangulo kung ano ang ibig nitong sabihin sa pagpasyang putulin ang relasyon sa US. “What exactly does ‘cutting ties’ mean?” aniya.

Nababahala si Sen. Panfilo “Ping” Lacson sa magiging kahihinatnan ng posibleng pag-urong ng technical intelligence support at ayuda ng Amerika sa militar at law enforcement ng Pilipinas, at paglipat ng investors sa ibang bansa sa Asia.

Politics

Dalawang Tulfo brothers, nanguna sa survey ng senatorial race

Binanggit ni Sen. Joseph Victor “JV” Ejercito ang epekto nito sa ekonomiya dahil ang US pa rin ang pinakamalaking trading partner ng bansa. “This matter should have been studied thoroughly,” aniya.

Naniniwala naman si Sen. Francis “Chiz” Escudero na ang pahayag ng Pangulo ay “a mere play of words” upang idiin na magiging bukas na ang Pilipinas sa ibang world powers.

Nagpayo si Senate Minority Leader Ralph G. Recto na maaari tayong umanib sa China-Russia axis ngunit hindi dapat na isantabi ang United States na matagal nang kaalyado ng Pilipinas.

“Foreign policy rebalancing should not mean that we swing the pendulum to the other extreme, that we dump old friends for new suitors,’’ ani Recto.

Pinuri nina Reps. Rodito Albano (NP, Isabela) at Gus Tambunting (PDP-Laban, Parañaque City) ang desisyon ng Pangulo ngunit pinayuhan siya na mag-ingat.

“It’s always prudent to have more friends than to lose some. But then again, you should know who your friends are,” sabi ni Tambunting.

Pinaalalahanan ni Rep. Gary Alejano (Magdalo Partylist) ang Pangulo na maaapektuhan nito ang interes ng mga Pilipino, lalo na ang mga may kamag-anak sa US at ang milyun-milyong nagtatrabaho sa business processing outsourcing (BPO) industry.

“The more PH is exposed to China economically the lesser our power to assert our stakes at WPS (West Philippine Sea) in the future,” paliwanag ni Alejano. (Hannah Torregoza. Mario Casayuran, at Ben Rosario)