BEIJING, China – Humakot ang Pilipinas ng nasa $24 billion halaga ng pamumuhunan at credit facilities sa “highly successful” na apat na araw na pagbisita ni Pangulong Duterte sa China.

Ang inaasahan nang pagdagsa ng Chinese investments sa Pilipinas sa larangan ng renewable energy, transportasyon, manufacturing at iba pa ay tinatayang magkakaloob ng mahigit dalawang milyong trabaho para sa mga Pilipino sa susunod na limang taon, ayon kay Trade Secretary Ramon Lopez.

“The latest amount being formed now in terms of investments and credit facilities opened is $24 billion,” sinabi ni Lopez sa mga mamamahayag sa Beijing, ilang oras bago bumiyahe ang Pangulo pabalik sa bansa.

Sa sangkatutak na pamumuhunan, sinabi ni Lopez na nasa $15 billion ang mga pribadong kasunduang pangnegosyo sa pagitan ng mga kumpanyang Pilipino at Chinese, habang $9 billion naman ang sumasaklaw sa credit facilities.

National

50.78% examinees, pasado sa Nov. 2024 Licensure Exam for Agriculturists

Ang mga pamumuhunan “cut across different industries — agriculture, renewable energy, tourism, food, manufacturing, telecommunications, infrastructure,” dagdag pa ni Lopez.

Ginawa ang mga kasunduan matapos magkasundo sina Pangulong Duterte at Chinese President Xi Jinping na magkaroon ng mas matibay at mas malapit na diplomatiko at pang-ekonomiyang ugnayan sa kabila ng agawan sa teritoryo sa South China Sea.

Nitong Huwebes, sinaksihan ng dalawang pinuno ang paglagda sa Great Hall of the People sa 13 kasunduan ng pagtutulungan sa iba’t ibang larangan. Nagkasundo rin ang dalawang bansa na ipagpatuloy ang naunsyaming bilateral consultations tungkol sa maayos na pagresolba sa tensiyon sa South China Sea.

Inilarawan ang pagbisita ng Pangulo na “highly successful”, buong init din na tinanggap ni Lopez ang pagbawi ng China sa travel advisory warning sa mamamayan nito laban sa pagbisita sa Pilipinas, sinabing tiyak na makatutulong ito nang malaki upang mapasigla ang tourist arrivals sa bansa.

Nauna rito, nasa 17 pribadong business contract na nagkakahalaga ng $11.3 billion ang sinelyuhan sa iba’t ibang event na bahagi ng pagbisita ni Pangulong Duterte sa China. (GENALYN D. KABILING)