DALAWANG napipintong kautusan ang ipatutupad ng Malacañang: Nationwide smoking ban at total firecrackers ban. Ang resulta ng hindi pagtupad sa naturang mga utos ay parehong nakamamatay subalit ang pagpapatupad ng mga ito ay nangangailangan ng magkaibang pagsasaalang-alang, tulad ng kaugalian at kultura.

Sa pagtalakay sa total smoking ban, hindi natin tatangkaing pagbawalan sa paninigarilyo ang sinuman; manigarilyo sila hanggang gusto nila at kahit saan nila naisin. To their hearts desire, sabi nga. Ang binibigyang-diin natin ay ang pagsunod sa utos ng Malacañang tungkol sa pagbabawal ng paninigarilyo sa public places o sa mga lugar na kinaroroonan ng mga mamamayan.

Ang naturang nationside smoking ban na nakatakdang lagdaan ni Pangulong Duterte pagdating niya mula sa China visit ay itutulad sa utos na ipinatutupad sa Davao City.

Hindi pahihintulutan ang paninigarilyo sa loob ng gusali, kahit na ang mga ito ay may mga hiwalay na silid o cubicle for smokers. Mapanganib ito sa kalusugan ng sambayanan sapagkat ang tinatawag na secondhand smoke ay nasisinghot sa nasabing lugar. Ito ang dahilan kung bakit may nakatakdang malaking halagang multa hindi sa mga naninigarilyo kundi sa mga may-ari ng gusali.

Ang nabanggit na parusa na itatadhana sa lalagdaang EO ang itinuturing na pinakamahigpit na anti-tobacco law sa Southeast Asia. Isipin na lamang na kahit na sa loob ng mga casino, restaurant, airport, ospital ay ipagbabawal ang paninigarilyo.

Plano ring ipatupad ang total ban sa mga paputok o firecrackers, subalit ang Pangulo ang mismong nagpahiwatig na kailangang siyang maging maingat. Bagama’t matindi rin ang panganib ng paggawa at pagbebenta ng naturang mga produkto, tulad nga ng naganap na sunog sa Bocaue, Bulacan kamakailan na ikinamatay ng dalawang katao at ikinasugat ng maraming iba pa, marapat ding isaalang-alang ang ganap na pagbabawal sa nabanggit na industriya. Maraming mahirap na pamilya ang umaasa at nabubuhay sa nasabing negosyo. Ang pagdamay sa mga may kaugnayan sa naturang industriya ay kinabibilangan ng maliliit na mamamayan na dapat pangalagaan ng kanyang administrasyon.

Ang kailangan sa firecracker industry ay pagtatakda ng mahihigpit na patakaran sa paggawa at pagbebenta ng mga ito.

Nakababahala ang panganib na bunsod ng mga ito, lalo na tuwing Pasko at Bagong Taon. Lagi nating nasasaksihan ang luray-luray na laman ng matitigas ang ulo sa walang habas na pagpapaputok.

Mahalaga ang pagtatakda ng mga patnubay sa smoking at firecrackers ban. (Celo Lagmay)