MAY apat nang National Artist o pambansang alagad ng sining ang lalawigan ng Rizal. Ang dalawa ay parehong nagmula sa Angono, Rizal na Art Capital ng Pilipinas. Sila’y sina Carlos V. Botong Francisco, sa visual arts at Maestro Lucio D. San Pedro, sa musika. Ang ikatlo at ikaapat ay sina Vicente ‘Mang Enteng’ Manansala, mula sa Binangonan, Rizal, at Francisco Feliciano, mula sa Morong, Rizal.

Sa Angono, si Carlos Botong Francisco ay itinuturing na folksaint ng kanyang mga kababayan at matapat na tagapagtaguyod ng mga proyektong pangkultura at pambayan. Pintor-muralist na ang talino, kakayahan at husay ay kapantay ng mga alagad ng sining sa ibang bansa.

Bukod sa mga nabanggit, si Botong (palayaw at tawag sa kanya ng mga kaibigan at kababayan), Francisco ang nag-iisang bumuhay sa nalimot nang sining na mural. At siya ang nagtaguyod nito sa loob ng 30 taon. Sa mga likhang sining ni Botong Francisco, ang mga kuwadro ng makasaysayang lumipas ay isinalin niya bilang malilinaw na tala ng mga ninuno ng ating lahi.

Maraming mural at painting si Botong Francisco na makikita hindi lamang sa bahay ng mga bahay ng mahilig sa kanyang likhang-sining, kundi maging sa gusali ng pamahalaan, sa Malacañang, sa National Museum, sa Fort Santiago, sa ospital, simbahan, bulwagan ng city hall ng Maynila at kapilya ng Far Eastern University (FEU) sa Morayta, Maynila.

Night Owl

Demokrasya: Haligi ng Pag-unlad at Pananagutan

Ang mural ay tungkol sa ‘Via Crucis’ o Way of the Cross. Ipinagawa kay Botong Francisco ng Presidente ng FEU na si Nicanor Reyes at ng National Artist na si Alejandro ‘Andeng’ Roces na noon ay Dean ng Arts and Sciences sa FEU.

Mababanggit din ang mural ni Botong Francisco sa bukana ng Philippine General Hospital (PGH) sa Maynila. Ang mural ay may apat na panel at ito ay tungkol sa ‘Progress of Philippine Medicine’.

Ang apat na panel ng orihinal na mural ni Botong Francisco sa PGH noong Hulyo 23, 2015 ay inalis at inilipat sa Museum Foundation of the Philippines, ang pinakabago sa 11 gallery ng National Museum na bukas na ngayon sa publiko.

Ang pangkat na nag-alis ng mural ay pinangunahan ni National Director Jeremy Barns. May 58 taon ang mural sa bukana ng PGH. Ipinalit at ikinabit ang reproduction ng mural ni Botong Francisco na ginawa ng photographer at art expert na si Benigno Toda III. Ang mural sa PGH ay apat na beses nang ginawan ng restoration dahil sa nakababahalang pagkasira nito. Ginawa ang restoration noong 1974, 1991 at noong 2006. Ang suporta at tulong sa restoration ng mural ay nagmula sa US Ambassador’s Fund on Cultural Presentation.

Ang mural sa PGH ay ipinagawa kay Botong Francisco ng dating direktor ng National Museum na si Dr. Eduardo Quisumbing para sa alaala ng kanyang anak na si Honorato. At upang makumpleto ang panel ng mural, tatlong kilalang mga doktor ang hiningan ng tulong na hindi naman ipinagkait ang kanilang suporta. Ang tatlong panel ng mural ay inialay sa anak at sa alaala ng ama ng dalawang doktor na nagbigay ng tulong. (Clemen Bautista)