BEIJING, China — Sinabi ng economic managers ni Pangulong Rodrigo Duterte na babawasan lamang ng Pilipinas ang pagsandal sa United States, at hindi lubusang puputulin ang economic at trade relations sa western ally.

Isang araw matapos ipahayag ng Pangulo ang kanyang pagkalas sa United States, ipinaliwanag ni Trade Secretary Ramon Lopez kahapon na magpapatuloy ang kalakalan at pamumuhunan ng Pilipinas sa Amerika.

“Continuing naman. Hindi naman mahihinto yun, hindi na tayo mag-export at mag-import. Tuloy pa rin yun,” sabi ni Lopez sa panayam ng media sa Beijing.

Tiniyak niya na walang malalaking pagbabago sa relasyon sa kalakalan ng Pilipinas at US. Nais lamang aniya ng Pangulo na magkaroon ng “balancing” sa “friendship and partnership” sa foreign trading partners.

National

4.5-magnitude na lindol, yumanig sa Surigao del Norte

Nilinaw rin niya na ang paggamit ng Pangulo ng terminong “separation” sa paglalarawan ng relasyon sa US ay bahagi lamang ng makulay na pananalita nito.

Ipinaliwanag din nina Finance Secretary Carlos Dominguez at Socio Economic Planning Secretary Ernesto Pernia na pananatilihin ng Pilipinas ang trade relations sa western nations habang pinapalakas ang relasyon sa mga bansa sa rehiyon.

PLEASE EXPLAIN

Sa Washington DC, sinabi ni US Department of State spokesperson John Kirby na: “We are going to be seeking an explanation of exactly what the president meant when he talked about separation from the U.S. It’s not clear to us exactly what that means in all its ramifications, so we’re going to be seeking a clarification on that.”

Sa Manila, sinabi ni US Embassy press attaché Molly Koscina sa isang email sa Manila Bulletin na wala pa silang naririnig mula sa gobyerno ng Pilipinas kaugnay sa tunay na kahulugan ng binanggit na “separation” ni Duterte, idinagdag na: “it is creating unnecessary uncertainty.”

Gayunman, binigyang-diin ni Koscina ang 70 taong alyansa ng U.S. at Pilipinas, kabilang na ang magandang relasyon ng mga Pilipino at Amerikano. (GENALYN D. KABILING at ELENA L. ABEN)