Bitbit ang iskor na 22 puntos, ang tambalan nina Dorie Du at Teng Rañola (Davao) ay patuloy sa paghawak sa unang puwesto nang labanan para sa 2016 UFCC Stagfighter of the Year, kahit pa ang naghaharing UFCC Cocker of the Year na si Engr. Sonny Lagon (Blue Blade) ay magbida sa 6th Leg upang makisalo sa pamumuno matapos na tumalon mula sa ikatlong puwesto.

Ang 2016 UFCC Stagwars ay magpapatuloy ngayon sa Las Piñas Coliseum tampok ang 95 sultada na magsisimula ng ala-una ng hapon kung saan ang mga lider ay hahamunin nina 2nd placer Joey Delos Santos (San Roque); 3rdplacers (20.5 points) Cong. Peter Unabia (JMFafafa Sr. Pedro Knights); 4th placer (20 pts.) Ricky Magtuto/Willard Ty (Ahluck Camsur), Gerry Teves (Gerry Boy), Mel Lim/Nelson Uy/Dong Chung (Full Force) at 5th placer (19.5) Patrick Antonio (Barkadahan).

Ang 2016 UFCC Stagwars, na itinataguyod ng Thunderbird Bexan XP , Resorts World – Manila at Solaire Resorts & Casino, ay gaganapin sa apat na magkakaibang sabungan sa layunin na mas mailapit ang mga tinaguriang mga “idolo” ng sabong sa masang-sabungero.

Ang Las Piñas Coliseum sa Zapote, Las Piñas City na may bagong parking building ang magiging lugar ng labanan para sa lahat ng one-day 6-stag derbies mula Septyembre hanggang ngayon.

'Pikon daw?' UAAP fan na nag-dirty finger, agaw-eksena sa San Juan Arena!

Gagawin naman ang unang out-of-town na labanan ng UFCC sa San Pablo City, partikular sa Lucky Sports Complex sa Oktubre 29.

Pagdating ng Nobyembre, lilipat ang giyera sa Ynares Sports Center sa Nob. 5, 12 at 15, samantalang isisingit naman sa Nob. 10 ang laban sa Biñan Coliseum sa Laguna.

Ang La Loma Cockpit na pinakalumang aktibong sabungan sa Pilipinas magmula pa noong 1901 ang magbibigay-pugay sa mga kasapi ng UFCC sa isang 6-stag derby na nakatakda sa Nob. 16. Balik sa Ynares ang labanan sa Nob. 24 at 26.

Ang huling 6-stag ay sa Lucky Sports Complex sa San Pablo City sa Nob. 29, samantalang magtatapos ang 2016 UFCC Stagwars sa nag-iisang 7-stag derby na gagawin sa Ynares Sports Center sa ika-3 ng Disyembre.

Samantala, ang AA Cobra 9-Stag Derby ni Atong Ang na nakatakda sa Oktubre 24, 25 at 27 ay gaganapin sa Ynares Sports Arena at hindi na sa Resorts World – Manila, na unang nai-anunsiyo.