Bilang bahagi sa isinusulong na ‘awareness campaign’ sa industriya ng pagta-tatatoo, ilalarga sa Nobyembre 13 ang “Streetwise Run For a Cause, Burdado Color Run sa Baywalk, Roxas Boulevard, Ermita Maynila.
Ang karera na kapit-bisig na inorganisa ng Streetwise Events Management and Public Relations kaisa ang Manila Tourism and Cultural Affairs Bureau ng lokal na pamahalaan ng Maynila kasama ang Rotary Club of Ermita ay sisikad ganap na alas-4 ng umaga sa harap ng Rajah Sulayman Park.
Nakatuon sa pagtulong sa Philippine Tattoo Community na pangunahing layunin ay palaganapin ang pang-unawa ukol sa art tattoo industry sa bansa at palawakin ang pagbibigay komersiyo sa kultura sa paglalagay ng tattoo.
Inaanyayahan ni Kenneth Montegrande, managing director ng Streetwise, ang publiko sa ginanap na media launch ng karera sa Vin55 Bar and Restaurant katulong ang mga kilala at respetadong tattoo masters sa industriya na sina Ricky Sta. Ana, Myke Sambajon, Norman Labao, Edwin Pranada at Jake Cuerpo na suportahan ang makabuluhang aktibidad na hindi lamang makapag-angat sa kredibilidad ng mga taong may tattoo kundi magpayabong pa sa industriya bilang isang dibisyon ng sining.
“Streetwise has always been fond of organizing for-a-cause events na nagsisilbing ilaw at inspirasyon sa ating mga kababayan. When we conceptualized Burdado Run, we wanted to ease the mind-set of the people about taong may tattoo.
Gusto namin alisin ang mentality ng mga tao sa mga may tattoo. Dati ang iniisip ng iba ay ex-convict, holdaper o masamang tao, maging sa image ng mga babae ganun din, which is dapat, this is actually an art and an expression na parte ng ating kultura,” sabi ni Montegrande.
Nais din hikayatin ng grupo na magkaroon ng healthy lifestyle ang mga Pilipino sa pamamagitan ng sports na running kasalo ang mga indibidwal na may tattoo.
Iba’t-ibang aktibidad din ang magaganap dahil hindi lamang pagtakbo ang dapat na paghandaan dahil magkakaroon ng pagsasaboy ng iba’t-ibang color powders, non-stop tugtugan ng iba’t-ibang banda tulad ng Intersections, April Morning Skies, Stilllife at Planes at pati na face-painting.
Maaring magparehistro ang mga runners online sa www.goorahna.com/event/burdaddorun/register o personal na magtungo sa Streetwise Secretariat Office sa Ermita, Manila at sa mga accredited registration outlet told ng Ouch! Tattoo Studio sa Robinson’s Place Manila, P&P Tattoo sa Makati at Eastwood at sa Paulina’s Cycle. (Angie Oredo)