PALAISIPAN sa amin ang ipinost ni Albert Martinez sa kanyang Instagram account isang linggo na ang nakararaan na magkakasama sila nina Richard Gomez, William Martinez, Arjo Atayde, Piolo Pascual at Sharon Cuneta at may caption na, “#SquadTols 3 generations one Squad.”
May gagawin bang pelikula si Albert na kasama niya ang mga nabanggit? Ano ang kuwento, sino ang direktor, at sino ang producer?
Nagtanung-tanong kami at nalamang gagawa nga ng pelikula ang grupo nila na mala-Ocean’s Eleven ang konsepto at ididirek ni Dondon Santos. Kung masusunod ang plano, binabalak nila nitong isali sa Metro Manila Film Festival next year, 2017.
Kung mala-Ocean’s Eleven ito, kulang pa ng lima dahil anim lang sila sa litrato.
“Trilogy kasi ‘yan,” sabi ng nakapagkuwento sa amin, “’pag nag-click, may kasunod. Mahirap kasi ngayon kapag gumawa ka ng pelikula na kapag nag-hit ang una, magsa-suffer ang mga susunod. Kaya dapat hindi mo itotodo sa una.”
Sa madaling sabi, sa first part ng movie sina Sharon, William, Arjo, Albert, Piolo at Richard at saka lang ire-reveal sa dulo ang makakasamang ibang artista sa susunod?
Parang nakaka-excite naman ang project na ito. Isipin mo, pagsasamahin ni Albert ang mga artista noong 80’s, 90’s at sa kasalukuyan. Interesado na kaming malaman kung anu-ano ang magiging papel ng bawat isa. At dahil nag-iisang babae si Sharon, siya siguro ang Julia Roberts ng grupo.
Siguradong mahal ang pelikula, ha? Sa talent fees pa lang, mahal na talaga at take note, sa Russia balak kunan ang pelikula.
Sabi nga ni Onyok, ayos! (REGGEE BONOAN)