Aprubado sa karamihang Pilipino si Vice President Leni Robredo at si Senate President Aquilino “Koko” Pimentel III, ayon sa survey ng Pulse Asia na inilabas kahapon.

Ayon sa Pulse Asia “Ulat ng Bayan” poll nitong Setyembre 25-Oktubre 1 na nilahukan ng 1,200 adults nationwide, 65 porsiyento ng populasyon ang may tiwala kay Robredo samantalang 66% naman ang kuntento sa kanyang performance.

Para kay Pimentel, 61% ang nagsabi na natutuwa sila sa kanyang performance at 55% naman ang nagtitiwala sa kanya.

Ayon sa Pulse Asia, ipinakikita ng resulta na sina Robredo at Pimentel ang best performers sa top government officials kasunod ni Pangulong Rodrigo Duterte.

National

Romina, patuloy na kumikilos pahilaga; hindi na nakaaapekto sa Kalayaan Islands

Parehong nakakuha ng 86% si Duterte sa kanyang approval at trust ratings sa kaparehong survey.

Siyam na porsiyento lamang ng respondents ang nagsabi na hindi sila sumasang-ayon kay Robredo samantalang 24% ang undecided.

Ang 10% naman ay nagsabi na “maliit o wala silang tiwala” sa kanya samantalang 24% ang undecided.

Nagpahayag kahapon ng pasasalamat si Robredo sa patuloy na pagpapakita ng suporta sa kanya pagkaraang mapanatili ang kanyang mataas na approval at trust ratings sa pinakahuling survey na inilabas ng Pulse Asia.

“I’m very thankful for the continued confidence of our fellow Filipinos,” ani Robredo. “This is motivation to keep doing what we’re doing, and also to find ways to do our work better.”

Habang nagtatamasa ng mataas na approval ratings mula sa mga Pilipino ang tatlong pinakamatataas na pinuno, ipinakita naman ng resulta ang mababang ratings nina Supreme Court Chief Justice Maria Lourdes Sereno at House of Representatives Speaker Pantaleon Alvarez.

Nagtala ng 46% approval rating si Sereno, na 11% ang nagsasabing hindi sila sang-ayon sa performance at 39% ang undecided.

Sinabi naman ng Pulse Asia na nagtala si Alvarez ng magkadikit na approval at indecision ratings (43% versus 42%). Ang 9% ay hindi kuntento sa kanyang performance. (Vanne Elaine Terrazola at Merlina Hernando Malipot)