LAUSANNE, Switzerland (AP) — Kabilang si NBA player Luis Scola ng Argentina sa apat na atleta na personal na pinili ni International Olympic Committee (IOC) president Thomas Bach na mapabilang sa IOC athletes’ commission.
Bukod kay Scola, flag-bearer ng Argentina sa nakalipas na Rio Olympics, hinirang din sina Indian badminton star Saina Nehwal, Egyptian modern pentathlete Aya Medany, at Jordanian taekwondo athlete Nadin Dawani.
Niliwanag ng IOC na ang apat ay walang kapangyarihang bumoto bilang IOC member. Idinagdag lamang sila sa 12 miyembro ng Athelete’s Commission na nahalal sa ginawang eleksiyon sa Rio. Magsisilbi sila ng walong taon sa komisyon.
Kabilang ang apat na kumandidato sa isinagawang halalan ng mga atleta.
Ayon sa pahayag ng IOC, may kapangyarihan si Bach na magtalaga ng hanggang pitong miyembro sa athlete’s commission “in order to ensure a balance between regions, gender, and sports.”
Miyembro si Scola, power forward ng New Jersey Nets, ng Argentina na nagwagi ng gintong medalya sa 2004 Athens Olympics at bronze medalist sa 2008 Beijing Games, habang si Nehwal ang kauna-unahang Indian na nagwagi ng medalya sa Olympic badminton (bronze sa London Games). Sina Medany at Dawani ay parehong three-time Olympian, at si Dawani ay nagsilbing chef de mission ng Jordan sa Rio.