MAGBUBUKAS ng popcorn shop si Scarlett Johansson sa Paris, ang gastronomical capital ng mundo, na itinuturing na niyang kanyang tahanan.
At magsisilbi ang 31-anyos na singer at model sa mga customer.
Maghahain ang star ng Lost in Translation at Under The Skin ng truffle, parmesan, at sage flavoured popcorn – na kanyang paborito -- sa mga customer kapag nagbukas ang Yummy Pop shop sa Marais district ng lungsod sa Sabado, paghayag ng kanyang spokesman sa AFP.
Ang konsepto ay labor of love nila ng kanyang asawang French, ang advertising executive na si Romain Dauriac. At umaasa ang mag-asawa na kung papatok ang “Real Vermont Cheddar” at iba pang mga recipe nito, magbubukas sila ng iba pang shops sa ibang lugar.
Sinabi ng kanyang spokesman sa Los Angeles na passionate ang aktres pagdating sa popcorn, at idinagdag na niluluto at pinaghahalo on the spot ang popcorn na may seasonal na sangkap.
Naging katulong ng mag-asawa sina chef Will Horowitz ng Ducks Eater at Harry at Ida ng New York sa pagbuo ng menu ng shop, na kabilang ang popcorn na may sea salt at olive oil, “Real Vermont Maple,” na may strawberries at cream at chocolate na may strawberries.
Ang kapatid ni Dauriac ang magiging tagapamahala ng shop.
Inihayag ni Johansson na magsasara ang Paris shop pagkatapos ng “soft opening” nito sa Sabado para maiangkop ang lahat sa mga matututuhan nila sa customers bago ang grand opening, na maaaring maganap bago matapos ang taon.