BEIJING, China – Nagkasundo ang Pilipinas at China na ipagpapatuloy ang bilateral “dialogue and consultation” upang maayos na maresolba ang agawan ng teritoryo sa South China Sea.

Napagtibay ang consensus sa makasaysayang pulong nina Pangulong Rodrigo Duterte at Chinese President Xi Jinping sa pagsisikap na ang diplomatikong ugnayan ng dalawang bansa ay maging “back to the track of friendship”.

“The two sides have briefly mentioned the South China Sea. Both sides agreed that the South China Sea issue is not the sum total of the bilateral relations between the two countries,” sinabi ni Chinese Vice Foreign Minister Liu Zhenmin sa mga mamamahayag pagkatapos magpulong ng dalawang pinuno sa Great Hall of the People.

“The two sides agreed that they will come back to what they have agreed five years ago that is to pursue bilateral dialogue and consultation in seeking proper settlement of the South China Sea issue,” dagdag ni Liu.

Sagad na ang pasensya? VP Sara pinagmumura sina PBBM, FL Liza, Romualdez

Napag-usapan ang planong ibalik ang diyalogo sa pagitan ng dalawang bansa ilang buwan makaraang pawalang-bisa ng international arbitration ang pag-angkin ng China sa halos buong South China Sea sa kasong idinulog ng Pilipinas.

Una nang sinabi ni Duterte na hindi niya ilalahad sa pulong ang anumang may kinalaman sa agawan sa teritoryo bilang respeto sa China.

Sinabi naman ni Liu na isang “new page” ang nabuksan sa pagitan ng Maynila at Beijing sa pagresolba sa usapin sa South China Sea sa pamamagitan ng konsultasyong bilateral.

Gayunman, hindi natalakay nina Duterte at Xi ang tungkol sa karapatan ng mga Pilipino na mangisda sa Scarborough Shoal, bagamat pinag-usapan nila ang pagtutulungan sa pangisdaan, ayon kay Liu.

13 BILATERAL AGREEMENTS

Sa ngayon, ayon kay Liu, nagkasundo ang Pilipinas at China “to fully recover” ang ugnayan ng dalawang bansa kabilang na ang “diplomatic consultation and defense security consultation”.

Dagdag pa niya, nilagdaan ng dalawang bansa ang 13 bilateral agreement na sumasaklaw sa maraming larangan, kabilang na ang imprastruktura, agrikultura, edukasyon, turismo, palitan ng kultura at maritime safety.

Ngayong Biyernes, nakatakada namang magdaos ng mga pulong si Pangulong Duterte sa iba’t ibang kumpanyang Chinese at sasaksihan ang paglagda sa maraming business agreement.

Ngayon din bibiyahe ang Pangulo pabalik sa Davao City. (Genalyn D. Kabiling)