Makalipas ang isang linggo, natagpuan na ang bangkay ng isang seaman na palutang lutang sa ilog sa Pasig sa Paco, Maynila, iniulat kahapon.

Sinasabing nagkaroon ng diperensya sa pag-iisip matapos umanong matanggal sa trabaho si Rommel Evangelista, 42, tubong Negros Occidental, kaya nagawa niyang tumalon sa ilog at magpakamatay.

Sa imbestigasyon ni SPO1 Joseph Kabigting, ng Manila Police District (MPD)-Crimes Against Persons Investigation Section (CAPIS), tumalon ang biktima sa Pasig River dakong 10:00 ng gabi noong Oktubre 13, sa ISLOFF Terminal na matatagpuan sa Cristobal Street sa Paco, Maynila.

Tinangka umanong sagipin ng mga awtoridad ang biktima ngunit mabilis itong inagos ng tubig at hindi na natagpuan pa kaya’t ini-report agad sa mga awtoridad.

Sagad na ang pasensya? VP Sara pinagmumura sina PBBM, FL Liza, Romualdez

Dakong 9:30 ng umaga kamakalawa nang matagpuan ng mga tauhan ng Delpan sub-station ng Philippine Coast Guard (PCG) ang palutang-lutang na bangkay ng biktima.

Nagbibigay umano sila ng advisory dahil sa masamang panahon dulot ng bagyong ‘Lawin’ nang mapansin ang bangkay ng biktima at agad iniahon.

Nang kapanayamin ang pinsan ng biktima na si Fercival Perez, sinabi niyang dumaranas ng mental disorder ang biktima simula nang mawalan ng trabaho. (Mary Ann Santiago)