MISTULANG determinado si Pangulong Duterte na magkaroon ng higit na nagsasariling polisiyang panlabas para sa Pilipinas, isang hindi masyadong nakaasa sa United States. Ang kanyang pagbisita ngayon sa China ang pangunahing bahagi ng ipinupursige niyang ito. Umaasa siyang sa biyaheng ito ay makapag-uuwi siya ng mga panibagong pamumuhunan at kasunduang pangkalakalan sa China na magpapasigla sa ating pambansang ekonomiya.
Ngunit mahalagang harapin niya ang katotohanan na karamihan sa mga Pilipino sa kasalukuyang ang higit na malapit sa mga Amerikano, higit pa sa sinumang dayuhan. Sa Third Quarter 2016 Social Weather Stations (SWS) survey noong Setyembre 24-27, 76 porsiyento ng respondents ang nagsabing sila ay may “much trust” sa Amerika, na 11% ang mayroong “little trust” — para makapagtala ng rating ng +66, na inilarawan ng SWS bilang “very good.”
Sa kaparehong survey, 22% ang mayroong “much trust” sa China, 55% naman ang may “little trust” at 19% ang hindi pa makapagpasya — sa rating na -33, na inilalarawan bilang “bad”. Makikita sa napakalaking kaibahan na napakarami pang dapat gawin upang maisakatuparan ang isinusulong na mas malapit na ugnayan sa ating kalapit-bansa sa hilagang-kanluran.
Dalawa pang bansa sa survey — ang Australia at Japan — ang may “good” ratings. Nakakuha ang Australia ng +47 (62% “much trust” at 15% “little trust”). Nakapagtala naman ang Japan ng +34 (56% “much trust” at 21% “little trust”).
Maging ang napakalayo sa atin na Norway at Netherlands ay nakakuha ng “moderate” trust ratings na +16 at +14, ayon sa pagkakasunod.
Mas marami ring Pilipino ang nakatira at nagtatrabaho ngayon sa Amerika kumpara sa iba pang bahagi ng mundo. Ngayong taon, nakapag-remit ang mga Pilipino sa ibang bansa ng umaabot sa $5 billion noong Hulyo, ayon sa Bangko Sentral ng Pilipinas. Ang mga remittance mula sa China sa kaparehong panahon ay naitala sa $95.8 million at $482.8 million naman sa Hong Kong, na sa kabuuan ay nasa $578.6 million.
Ang mga pagpupursige ni Pangulong Duterte upang magkaroon ng mas malapit na ugnayan sa China ay inilalarawan ng ilan bilang “pivot” sa China, gaya ng pagbaling ni US President Obama sa Asya at Pasipiko, palayo sa Europa at Atlantiko.
Ang apat na araw na pagbisita ng Pangulo sa China, na magtatapos ngayong araw, ang pangunahing hakbangin sa pagbaling na ito ng polisiyang panlabas ng Pilipinas.
Sa mga susunod na buwan, asahan na natin ang mga bunga ng pagbisita ng Pangulo sa China. Umaasa tayong sisigla ang kalakalan sa pagitan ng dalawang bansa, lalo dahil ang China ang pinakamalaking ekonomiya sa Asya sa ngayon. Ang pinakamalaking kumpanya ng tren sa China na Dalian ay nag-alok na isasailalim sa modernisasyon ang antigo nang railway system ng Pilipinas. Sampung pinakamalalaking kumpanya ng konstruksiyon ang ikinokonsidera namang maglunsad ng mga proyekto rito.
Sa tamang panahon, ang pagbaling natin sa China ay marapat lang na maghatid ng mga benepisyong tulad nito sa ating ekonomiya. Habang nararamdaman ang epekto nito sa ating mamamayan, dapat na makita natin ang pagbabago sa kanilang mga opinyon tungkol sa mundo at sa iba pang mga bansa, gaya ng ibinunyag ng mga trust survey na regular na isinasagawa ng SWS.