HINDI na bago sa aking pandinig ang paglikha ng task force on media violence ng halos lahat ng nakaraang administrasyon. Tuwing may pinapaslang na miyembro ng media – at kahit na simpleng paglabag lamang sa karapatan sa pamamahayag – napapalundag ang mga kinauukulang opisyal ng gobyerno sa pagbuo ng isang lupon na tutugis sa mga pinaghihinalaang mga salarin; dadakip, uusig at mangangakong lalapatan ng katarungan ang mga dapat managot. Bahagi ito ng nakasasawang reaksiyon.

Sa pamamagitan ng Administrative Order No.1 na nilagdaan ni Pangulong Rodrigo Duterte, ang naturang task force ay binigyan ng karapatan upang pangalagaan ang mga mamamahayag laban sa anumang panganib at upang tiyakin ang ligtas na kapaligiran para sa kanila. May paniniyak din ang Pangulo na ang naturang utos ay kaakibat ng kanyang paniniwala sa press freedom na hindi dapat labagin at kitilin ng sinuman sapagkat ito ay itinatadhana sa Konstitusyon.

At upang patunayan marahil na isang ‘power house’, wika nga, bubuuin ito ng mga Kalihim ng Department of Justice, Department of Interior and Local Government, Department of National Defense, Solicitor General, Presidential Human Rights Committee Executive Director, Armed Forces of the Philippines Chief of Staff, Philippine National Police Director General at ng National Bureau of Investigation Director. Matindi ang mandato ng nasabing task force: Sa loob ng unang 30 araw, ito ay magsasagawa ng imbentaryo ng lahat ng asunto hinggil sa media violence, kabilang na ang mga hindi pa nalulutas na mga kaso, mga nililitis at mga nakaapela. Isusunod dito ang totohanang imbestigasyon.

Sa bahaging ito ay maitatanong: Kasama kaya rito ang mga celebrated cases laban sa ating mga kapatid sa media? Tulad, halimbawa, nina Bubby Dacer, ang publicist at haligi ng pamamahayag na dinukot, pinaslang at sinunog, maraming taon na ang nakalilipas; ang 36 na miyembro na media na biktima ng karumal-dumal na Maguindanao massacre na ang mga kaso ay nililitis pa sa hukuman; at marami pang iba.

Night Owl

Pagpapanatili ng mga Boses: Paano Pinoprotektahan ng NightOwlGPT ang mga Nanganganib na Wika

Mawalang-galang na sa kasalukuyang administrasyon, parang ayaw ko nang maniwala sa paglikha ng mga task force.

Dinaanan ko na ang ganitong mga estratehiya ng nakalipas na mga administrasyon noong tayo ay namumuno pa sa National Press Club, subalit nakalulungkot gunitain na wala akong natatandaang naaksiyunan na mga pagpatay at panggigipit sa mga mamamahayag. Mabuti pa noong... panahon ni Presidente Cory Aquino at may napatalsik na isang hepe ng pulisya na nagduldol ng peryodiko sa mukha ng isang reporter.

Sa pamamagitan ng nasabing task force on media violence na maituturing na power house, asahan na lamang natin na magkakaroon ng tunay na pangangalaga sa press freedom. (Celo Lagmay)