NASA loob ako ng isang police station sa Quezon City nang mapanood ko sa social media ang walang habas na pananagasa ng isang police mobile car sa mga raliyista sa harap ng U.S. Embassy sa Roxas Boulevard sa Maynila, nitong Miyerkules ng tanghali.

Pabulong lang akong napamura ngunit nagulat ako dahil mas malakas ‘yung mga nagmura na nakikipanood pala sa aking laptop habang nakapalibot sa aking likuran. Totoo, maging ang mga kabarong pulis ng drayber ng van na si PO3 Franklin Kho ng Manila Police Department (MPD) na nakapanood sa video ay mga napamura sa ikinilos ni PO3 Kho.

Bigla kasing sumakay sa nakaparadang police mobile car si PO3 Kho at paulit-ulit niyang pinaandar ng atras-abante hanggang sa masagasaan ang mga raliyista, tatlo sa mga ito ay malubha, bago tuluyang inihinto sa dati nitong kinalalagyan. At mukhang hindi pa nasiyahan si PO3 Kho, bumaba siya sa sasakyan at sumama sa mga pulis na humahabol sa mga patakas na raliyista at nanghablot at nanabunot pa ng mga babaeng Lumad na nakasakay sa jeep ng mga raliyista.

Sabi nga ng isang pulis na nasa aking likuran, parang isang ASONG ULOL na naninibasib si PO3 Kho. Ang sabi ko naman, may malaking kaibahan lang – dahil ang asong ulol ay hindi natutuwa sa kanyang ginagawa ngunit itong si PO3 Kho ay kitang-kita sa mga video na parang walang pagsidlan ang kanyang katuwaan. Bigla lamang naputol ang ngising-demonyo ni PO3 Kho nang mapansin niyang may kumukuha ng larawan at video sa kanyang kapalpakang ginagawa. Binitiwan niya ang saklut-saklot na buhok at sabay hablot naman sa camera ng maniniyut na humahabol habang inire-record ang kanyang ginagawa.

Agad naman ipinasibak sa puwesto ni PDG Ronald “Bato” Dela Rosa ang siyam na opisyal ng MPD na responsable sa naturang kaguluhan na pinagpi-piyestahan ngayon ng mga taga-media, lalung-lalo na sa social media.

Ngunit naniniwala akong hindi natin dapat husgahan ang buong PNP sa pangyayaring ito. Dalawa lamang ang nakikita kong dapat ipako sa krus dito –ang mala-ASONG ULOL na si PO3 Kho at... (ang nag-utos na buwagin ang noo’y mapayapa nang nagpo-programang mga raliyista, dahil nakahihiya raw sa mga KANO – si Sr. Supt. Marcelino Pedrozo, MPD Dep Director for Operations, na minsan na ring naging berdugo ng mga raliyista sa Commonwealth Avenue noong SONA 2012.

Mag-text at tumawag sa Globe: 09369953459 o mag-email sa: [email protected]) (Dave M. Veridiano, E.E.)